Naninindigan ang Pilipinas sa katayuang walang tuwirang pinapanigan sa alitan ng Estados Unidos at China. Pero dahil sa lokasyon ng bansa, napipilitan itong maging mapagmatyag sa sitwasyon at kumilos sakali mang sumiklab ang mas nakapangingilabot na pangyayari.
Nariyan kasi ang banta ng paglusob ng China sa Taiwan. Sabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, binabantayan ng Pilipinas ang sitwasyon bilang bahagi ng "contingency plans" sa posibleng sigalot sa rehiyon.
"Nonetheless, we continue to plan on all contingencies not merely any flashpoint between China and Taiwan, but any contingency within the theatre," aniya.
Sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tila mas kumiling ang bansa sa Amerika, kumpara sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na naging malapit sa China. Kamakailan ay bumisita pa si FPRRD kay President Xi Jinping sa Beijing kung saan sinabi ng lider ng China na umaasa itong ipagpapatuloy ng dating pangulo ang papel na ginampanan niya sa kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa Asia.
Advertisement
Isang bagay ang sigurado: poprotektahan ng Pilipinas ang mga interes nito sa rehiyon. Hindi lang ang pinag-uusapan ay ang mga pinag-aagawang teritoryo kundi maging ang mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na posibleng maipit sa sitwasyon sakaling sumiklab ang kaguluhan.
Mayroon umanong mahigit 100,000 Pilipino na naninirahan at nagta-trabaho sa Taiwan. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya't nakamatyag ang bansa sa sitwasyon. Dagdag pa ni Sec. Gibo, ang contingency measures ay hindi lang pang-tanggulan kundi nakaugnay rin ang iba pang mga ahensya.
Sa limang kaalyado ng Amerika sa Indo-Pacific - Australia, South Korea, Japan, Pilipinas at Thailand - ang Pilipinas ang pinakamalapit sa Taiwan. Kaya naman ikinagalit ng China ang pagdaragdag ng Amerika ng mga base sa Pilipinas bilang bahagi ng EDCA na ang ilan ay malalapit pa sa Taiwan.
Gayumpaman, umaasa ang gobyerno ng Pilipinas na ang mga pagsisikap ng Washington at Beijing na plantsahin ang gusot sa isa't isa ay magbubunga ng panlalamig ng tensyon sa rehiyon.





