Matindi pala itong International Criminal Court (ICC) na kapag may inihain kang complaint tungkol sa human rights abuses ay hindi mo na ito mababawi.
Noong Abril 24, 2017 ay ni-request ng abogadong si Jude Sabio sa ICC na makulong ang dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa kaniyang madugong 'drug war.'
Si Sabio ay hired ni dating Senador Antonio Trillanes para sa mga testigo niya laban kay Duterte na may diumano'y Davao Death Squad o DDS na tumitigok sa mga sangkot sa droga na umabot raw sa national scale nang siya’y maupo bilang presidente.
Ang mga testigong ito ay sina Edgar Matobato at Arturo Lascanas na mga diumano ay self-confessed hitmen ng DDS. Ngunit sila’y nabigo dahil sa kanilang magulo at paiba-ibang testimonya na hindi kinatigan sa Senate hearings.
Noong Enero 2020 ay binawi ni Sabio ang kaniyang complaint sa ICC laban kay Duterte sapagkat ito aniya ay pawang ‘political propaganda’ lamang ng mga oposisyon at walang kabuluhan sa paghahanap ng hustisya.
Nabanggit din niya sa kaniyang column sa isang pahayagan na hindi siya nababayaran ni Sen. Trillanes at siya pa ang gumagastos ng kanyang pamasahe sa mga lakad niya abroad.
Nakakalungkot naman na ang bumaliktad na abogadong ito ay binawian ng buhay bunga ng cardiac arrest noong 2021.
Ang ICC prosecutor na si Fatou Bensouda ang pormal na naghain ng request na maimbestigahan si Duterte sa kaniyang 'crime against humanity' batay sa mga complaints na tinanggap niya kina Sabio, kahit binawi na ang supplemental complaint ni Trillanes at Rep. Gary Alejano, kabilang na ang mga nanggagaling sa militanteng grupo at mga pamilya ng mga nabiktima ng drug war.
Advertisement
Opisyal na nagwakas ang state membership ng Pilipinas sa ICC noong March 17, 2019 matapos ang isang taong waiting period bago ang effectivity nito. Dahil dito ay hindi na rin tayo signatory sa Rome Statute ng ICC na nagbibigay kapangyarihan sa kanila na mag-imbestiga sa kasong crime against humanity.
Nagretiro si Bensouda noong June 15, 2021 at ang pumalit ay si Karim Khan na pormal na nagbukas sa pag-iimbestiga kay Duterte.
Sa mga nakalipas na araw ay lumabas na ang pasiya ng ICC na ipapaaresto si Duterte at mga kasama nito sapagkat may reason to believe na sila ay maaaring guilty sa crime against humanity sa kontekstong drug war campaign.
Dinedma ng ICC ang 51-page appeal ni SG Menardo Guevarra nitong nakaraang Marso na huwag nang ipagpatuloy ang pag-iimbestiga sa rason na tayo naman ay may hudikaturang gumagana.
Ang tanong ngayon ay paano kung hindi makipag-cooperate ang Pilipinas sa kanilang pag-iimbestiga bunsod ng prinsipyo na tayo nga ay isang soberenyang bansa na may batas at hustisyang gumagana?
Sa panahon ngayon ng administrasyon ni Presidente Bongbong Marcos, payag ba siya na ipaaresto ng ICC si Duterte?
Mariing hindi ang sagot ni PBBM at gayundin ni Justice Secretary Boying Remulla sapagkat walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas, wala itong arresting officers at higit sa lahat ay wala silang pakialam sa atin.





