Sa pagpasok ng taong 2023 ay nag-anunsyo na ang PAGASA na ang bansa natin ay magdaranas ng El Niño. Sabi ng mga opisyal nito ay maaaring magtutuloy-tuloy ito hanggang sa first quarter ng 2024. May posibilidad din na malalakas na bagyo ang papasok sa bansa bago matapos ang taon.
Subalit, may mga netizens na natatawa sa social media at sinasabing "imbento" lamang ang El Niño at wala talagang ganitong pangyayari. Malamang, sila rin ang mga taong hindi naniniwala sa moon landing, o kaya naman ay mga flat-earthers.
Siyensya ang dapat nating tanungin ukol dito. Ano ba ang nangyayari kapag may El Niño? Ano ba ang El Niño? Ito ay isang climate pattern na nagaganap sa pagitan ng tatlo hanggang pitong taon na ang bansa ay nasa normal weather condition.
Huling naranasan ng bansa ang El Niño noong 2018. Kapag may El Niño, may low-abnormal rainfall at above-normal rainfall. Ito ay sa dahilan ng pagtaas ng temperatura sa Central at Eastern Pacific oceans-kabaliktaran naman ng La Niña na lumalamig naman ang temperatura sa mga nabanggit na rehiyon ng karagatan.
May mga bahagi ng bansa na nagkakaroon ng dry-spell o kakaunting pag-ulan, kaya dahil sa matinding init ay natutuyo at nagbibitak-bitak ang lupa na nakapipinsala sa mga pananim.
Kakaunti ang naaani kaya nagkakaroon ng food shortage. Dahil din sa kakulangan ng pag-ulan ay bumababa ang lebel ng tubig natin sa dam. Kapag nangyari ito ay asahan na magkakaroon tayo ng water shortage, at power interruptions na umaabot ng mga ilang oras.
Sa kabilang dako naman, ang El Niño ay nagdudulot din ng malalakas na pag-ulan na ang epekto ay mga pagbaha, landslides, pagkawala ng kuryente, pagkakaroon ng maruming tubig at mababang produksyon ng agrikultura.
Advertisement
Nagkakaroon din ng paglaganap ng mga sakit tulad ng trangkaso, cholera, dengue, chikungunya, leptospirosis, tigdas at iba pa.
Sapagkat ang El Niño ay dulot ng kalikasan dahil sa pagbabago ng panahon ay maging well-informed tayo. Sundin natin ang ipinapayo ng gobyerno ukol sa pag-iingat sa kalusugan at mga kaalaman tungkol sa weather condition na ito upang magkaroon tayo ng marapat na pagpapasiya kung paano natin maiibsan ang dulot ng ganitong klase ng kalagayan ng panahon.
Halimbawa, sa panahon ng matinding init, iwasan ang mga outdoor activities. Magpalamig sa well-ventilated places at uminom ng tubig kahit hindi nauuhaw upang maiwasan ang dehydration. Maglagay rin ng protective sunscreen upang maiwasan ang pagka-sunog ng balat kapag lumalabas sa initan.
Kung palaging nakikinig ng balita—halimbawa ng sa mga ulat ng PAGASA, DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno na nagbabalita at nagpapayo ukol sa El Niño—ay makabubuti ito sapagkat magiging well-informed tayo ukol sa anu-anong mga bagay ang dapat natin paghandaan at mahalagang malaman.
Ang mga LGUs naman ang mga first responders kung may mga pagbaha o landslides, upang mailigtas o kung bago pa mangyari ang mga ito ay inililikas na nila ang mga taong direktang maaapektuhan ng mga panganib na ito sa mga baranggay na kanilang nasasakupan.
Mag-ingat at stay healthy, mga ka-NETizens! Maging matalino at huwag masyadong mahilig sa conspiracy—baka ikapahamak natin ito.





