Habang hindi pa nagbabakbakan sa loob ng cage sina Elon Musk at Mark Zuckerberg, ang kanilang mga social media app muna ang magsasalpukan sa online space.
Isinapubliko na nga ng Meta ni Zuckerberg ang bagong social media app na Threads noong Hulyo 6, bilang pantapat sa Twitter na pinamumunuan naman ni Musk.
Bakit ba gumawa pa ng Threads ang kampo ni Zuckerberg? Ayon sa hepe ng Instagram na si Adam Mosseri, ang pabago-bago at 'unpredictable' na kalagayan ng Twitter ay nagbukas ng oportunidad para tapatan ito. Aniya, idinisenyo rin ang Threads para sa pampublikong usapan.
Para naman sa mga eksperto sa larangang ito, sinasamantala raw ni Zuckerberg ang magulong pangangasiwa ni Musk ng Twitter. Desperado na raw kasing makahanap ng alternatibo ang Twitter users.
Inulan ng batikos si Musk dahil sa huminang content moderation, limitadong access sa TweetDeck, at iba pa. Nagresulta ito sa pangamba sa mga advertisers at celebrities. Tila itinaon pa ang paglulunsad ng Threads sa gitna ng pambabatikos kay Musk dahil sa desisyong limitahan ang bilang ng tweets na pwedeng makita ng Twitter users sa loob ng isang araw.
Advertisement
Hindi naman gaanong mahirap gamitin ang Threads lalo na kung may ginagamit nang Instagram account. Ibibigay ng Instagram ang option para i-download ang Threads at doon sa bagong app, madali ring maiuugnay ang listahan ng mga accounts na fina-follow sa IG, upang hindi na mahirapang maghanap pa ang bagong users.
Gaya ng Twitter, makikita sa main feed ang post o "threads" mula sa mga sinusundang accounts maging ng mga account na irerekomenda ng algorithm ng Instagram. Pwede ring magrepost at magreply subalit sa ngayon ay hindi pa maaaring i-set ang feed para ang makita lamang ay mga account na fina-follow.
Ang isang post sa Threads ay kayang maglaman ng 500 characters, mga larawan at video na aabot ng limang minuto. Ilang oras pa lang nailulunsad ang Threads ay nakapagtala kaagad ito ng 5 milyong sign-ups.
Ang ilan sa mga kilalang personalidad na nasa Threads na ay sina Jennifer Lopez, Shakira, Hugh Jackman, UFC boss Dana White, Gordon Ramsay, ang singer na si Ellie Goulding, aktor na si Jack Black at iba pa.
Nasa 100 bansa na ang Threads subalit hindi pa ito inilalabas sa European Union dahil sa pagsasaalang-alang sa mga bagong batas na ipapatupad sa 2024.
Talaga namang wala halos pinagkaiba ang dalawang naturang app. Magkakaalaman na lang sa mga susunod na linggo at buwan kung ano ang mas papatok sa tao; ang nakahiwalay at matagal nang umiiral na Twitter o ang bagito subalit nasa ilalim ng Meta na Threads.





