Pabirong sabi ng netizens, kaya raw hindi pinili ni Taylor Swift na mag-concert sa Pilipinas ay dahil sa ingay ng lato-lato. Sa tindi nga naman ng kasikatan nito ngayong taon ay halos imposibleng hindi ka pa nakarinig o nakakita ng mga batang nagpapagalingan sa paglalaro nito.
Ang lato-lato ay dalawang matigas na maliit na bola na nasa magkabilang dulo ng tali na pinag-uuntog untog para makalikha ng ingay. Mukha itong madali lalo na't sanay na sanay ang mga bata na gamitin ito pero ang ibang mga matatanda na naging interesado, aba'y nahirapan at nagpaturo na sa mga bata.
Nakakarindi man ito sa iba, pero hindi maikakaila ang positibong epekto ng paglalaro nito sa mga kabataan. Natuwa ang marami sa pagbabalik ng lato-lato. Kahit papaano, na-distract ang mga kabataan mula sa labis na paggamit ng phones at paglalaro ng computer games. Tila nanumbalik rin sa atin ang alaala ng mga panahong naglalaro tayo sa labas, hindi lang ng tagu-taguan o patintero, kundi ng mga laruang kinagiliwan noon tulad ng trumpo, yo-yo, sipa, piko, tumbang-preso at iba pa.
Advertisement
Subalit kamakailan ay naglabas ng babala ang gobyerno, sa pamamagitan ng Food and Drug Administration, dahil hindi sumailalim sa kanilang pagsusuri ang lato-lato. May mga inilabas silang klase ng lato-lato na walang certificate of product notification na nangangahulugang hindi ligtas gamitin at hindi tiyak ang kalidad para magamit ng mga bata.
Ang mga halimbawa nito ay unlabeled green lato-lato, pro-clackers na may ilaw, at lato lato toys with handle glow in the dark latto latto toy toy tok tok old school toy etek toy lato lato makasar.
Maliban sa babala ng FDA, ipinasya na rin ng ilang eskwelahan at isang barangay na ipagbawal ang paglalaro ng lato-lato. Sa Dadiangas South Central Elementary School sa General Santos City at Abellana National School sa Cebu City, bawal na ang paglalaro nito sa loob ng campus.
Sa Barangay Matandang Balara, Quezon City naman, ipinagbawal na rin ang pagbebenta at paglalaro ng lato-lato.
Tiyak na masusundan pa ito sa ibang mga lugar at eskwelahan. Ang dahilan ng mga kabawalan ay ang ingay na dulot ng lato-lato at ang panganib na pwedeng maidulot nito sa mga kabataan.
Napakanta na lang tuloy ang mga bata ng "haters gonna hate, hate, hate, hate, hate." Ika nga ni Taylor, 'shake it off!'





