Nasagip ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia ang isang Pinay na Overseas Filipino Worker (OFW) mula Negros Occidental nang tumakas ito mula sa pagmamaltrato ng kaniyang amo. Kwento pa ng OFW, hindi rin siya pinapakain, at inaabuso.
Itinago sa alyas “Maria” ang Pinay na kasalukuyang nasa pangangalaga ngayon ng embahada habang pinoproseso ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapauwi sa kaniya sa Isabela, Negros Occidental.
Ayon sa kaniyang asawa, huli silang nagkausap noong Marso kung saan sinabi ni Maria na hindi na niya kayang magtrabaho dahil sa umano’y pananakit ng kaniyang amo.
Natuklasan ang kalagayan ni Maria nang makita siya ng kapwa OFW na nagbahagi ng kaniyang sitwasyon sa social media, na naging daan upang agad siyang matulungan ng Philippine Embassy.


