Kinumpirma ng Palasyo na nagkaroon ng pagbagal sa economic growth matapos ipag-utos ng Pangulo ang malawakang imbestigasyon laban sa katiwalian.
Paliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro, naging maingat ang administrasyon sa paglalabas ng pondo noong huling bahagi ng nakaraang taon. Dahil dito, pansamantalang hinawakan at hindi agad ipinalabas ang badyet para sa mga infrastructure projects upang masuri kung ang mga kasalukuyang kontratista ay may malinis na rekord o hindi.
Ang naging pagpreno ng gobyerno sa paggastos ay nagdulot ng pagbaba ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Sumabay pa rito ang tensyon sa Gitnang Silangan na nagbunsod naman sa mabilis na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Ang pahayag na ito ng Malacañang ay tugon sa naging obserbasyon ng World Bank na bumagal ang pag-angat ng ekonomiya dahil sa mga seryosong alegasyon ng korapsyon. Bunsod ng mga isyung ito, nabawasan ang tiwala ng mga dayuhan at lokal na mamumuhunan na siyang nagpalubog din sa antas ng public investments sa bansa.
Sa kabila ng mga hamong ito, tiniyak ng Palasyo na kasalukuyan nang gumagawa ng mga kaukulang hakbang ang pamahalaan upang maibalik ang sigla ng lokal na merkado.
Samantala, nagpakita naman ng bahagyang magandang senyales ang ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) matapos bumaba ang antas ng inflation sa bansa patungong 6.2% mula sa dating 6.4% noong buwan ng Hunyo. Ibig sabihin, nagkaroon ng kaunting pagbagal sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Panoorin ang report sa Mata ng Agila: https://www.youtube.com/watch?v=3vjNIHa5YGY



