Tahasang nanawagan ang isang transport group para sa agarang pagbibitiw sa puwesto ni Energy Secretary Sharon Garin. Ito ay dahil sa kabiguan umano ng Department of Energy (DOE) na kontrolin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado.
Ayon kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, hindi nararapat si Garin sa kaniyang posisyon dahil hindi nito kayang gampanan ang kaniyang trabaho upang maibsan ang epekto ng krisis sa langis. Giit ng grupo, ang "walang preno" na pagtaas ng presyo ng krudo ang siyang tunay na ugat ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, at hindi ang kanilang hiling na taas-pasahe.
Pumalag din si Valbuena sa katwiran ng gobyerno na ang tensyon sa Gitnang Silangan ang dahilan ng kawalan ng katatagan ng presyo ng langis. Ayon sa kaniya, maling-mali na sa mga drayber at mamamayan ipinapasa ang sisi at pasakit sa tuwing nagkakaroon ng epekto sa ekonomiya.
Kasabay ng panawagang mag-resign ang kalihim, iginiit ng MANIBELA na ipatupad na ang naaprubahan ngunit sinuspindeng ₱1.00 taas-pasahe para sa mga pampublikong sasakyan. Humihirit din sila ng karagdagang pisong dagdag upang maging ₱2.00 ang kabuuang adjustment para matulungan ang mga drayber na makasabay sa dagsa ng gastusin.
Panoorin ang interview kay Valbuena sa ASPN: https://www.youtube.com/watch?v=y6yYpF0TG-c


