Isang libong katanungan ang umiikot sa bawat newsroom ng iba’t ibang pahayagan at bulwagang balitaan.
Ito ay ang biglang pagbawi ng pahayag ni Ex-Marine Orly Guteza na nag-deliber siya ng male-maletang pera kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang naturang pera ay sinasabing kickback mula sa flood control projects at pansuhol daw ng dating House Speaker para basbasan ang maanomalyang proyekto.
Dati, buong tapang na nagsalita si Guteza tungkol sa umanoy sistema ng panunuhol at sa milyun-milyong pisong sinasabing nagmula kay dating kongresista na si Zaldy Co.
Hindi ba’t hindi matitinag si Guteza sa kanyang pagharap sa Kongreso upang panindiganan ang akusasyon sa dating House Speaker?
Subalit biglang nagbago ang hangin at binawi ang mga sinumpaang pahayag sa harap ng mga mambabatas?
Nasaan na ang sense ng “the truth and nothing but the truth” na legal oath niya?
Sa ginawang pagbawi ni Guteza, hindi ito nagpalinaw ng senaryo at hindi rin niya maililigtas ang mga taong nasa likod ng kanyang recantation, sa halip, double whammy pa.
Advertisement
Inilubog lamang niya sa kumunoy ang mga taong nais niyang pagtakpan habang nawalan din siya ng integridad.
Dapat ding hanapin kung sino ang posibleng nakinabang sa kaniyang pagbaligtad.
Sa halip na tuluyang mamatay ang kontrobersiya, maaaring lalo pa itong lumalim.
Dapat kapag ang isang testigo ay biglang bumawi sa isang sensitibong alegasyon, ang natural na tanong ay hindi lamang:
“Bakit siya nagsinungaling noon?”
Kundi:
“Bakit siya bumabaligtad ngayon?”
At dito pumapasok ang pinakamasakit na tanong:
Na-maleta ba si Guteza—o may mas malaking kamay na humawak sa maleta bago niya binawi ang kaniyang pahayag?
Hangga’t walang malinaw at mapanuring imbestigasyon, mananatiling nakabitin ang tanong.
At sa kontrobersiya ng flood control projects, ang isang bagay na hindi dapat binabawi ay ang paghahanap ng katotohanan.




Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.