Sa gitna ng flood control scandal, sunod-sunod ang warrant, kaso at kontrobersiya. Ngunit tunay bang kampanya ito kontra korapsyon, o isa na namang palabas? Sa kaso ni Martin Romualdez, lalong lumalalim ang duda: may pananagutan ba, o may mas malaking drama?
NAGING maaksyon ang pamahalaan sa mga nakaraang buwan.
Kapag isinisigaw ng taumbayan ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control project at hinihiling na huwag mag-pokus sa usapin ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, biglang may naiisyuhan ng warrant of arrest.,
Pansinin, kapag umiinit ang ulo ng taumbayan sa paniningil sa pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na may ipakukulong na mga big fish dahil sa anomalya sa flood control projects , kapansin –pansin ang bilis ng aksyon ng mga awtoridad na para bang hindi pinag-iisipan ang pagpapaaresto.
Pinakahuli ang sinapit ni dating House Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa kasong pandarambong kaugnay umano ng bilyun-bilyong pisong flood control projects.
Mabilis ang pangyayari. Agad na inilabas ang warrant of arrest mula sa Sandiganbayan.
Pero sa halip na kulungan, ospital ang naging destinasyon ni Romualdez, matapos iulat na dumanas siya ng cardiovascular event, unstable blood pressure at anxiety attack.
At dito nagsisimula ang tunay na drama.
Hindi ang pagpiyansa ni VP Sara Duterte sa kasong grave threats ang dapat maging sentro ng atensiyon. Mas mahalagang itanong:
Hanggang saan aabot ang kaso laban kay Romualdez at sino ang tunay na mananagot sa anomalya sa flood control projects?
Bagaman, naging mabilis ang aksyon ng awtoridad sa paghahatid ng warrant of arrest kay Romualdez, malaking porsyento ng Pinoy ang naniniwalang “palabas” lamang ang pananatili nito sa ospital.
Dahil kahit walang hatol ang korte, hindi rin maikakaila na may malaking bahagi ng publiko ang may pagdududa sa biglaang pagkakaospital ni Romualdez. May mga nagtatanong kung ito ba ay lehitimong usapang pangkalusugan o magiging daan upang maantala ang proseso ng pag-aresto.
May isa pang tanong na hindi dapat basta iwaksi:
For show lamang ba ang pagkaso at sa huli ay magiging state witness din si Romualdez?
Hindi ito dapat agad husgahan bilang katotohanan. Pero hindi rin dapat pagbawalan ang taumbayan na magtanong – lalo na kung may mga naunang pangyayari na nag-iwan ng parehong pagdududa.
Kaya mahalagang bantayan ang magiging takbo ng kaso.
Dahil kung tunay na seryoso ang gobyerno sa paglaban sa korapsyon, hindi dapat nagtatapos ang lahat sa isang warrant, isang press conference o isang dramatic arrest.
Dapat may paglilitis.
Advertisement
Dapat may ebidensiya
At higit sa lahat, dapat may pananagutan.
Lalong nagiging sensitibo ang usapin dahil si Romualdez ay pinsan ni PBBM at naging malapit sa administrayson:
Gaano kalayo ang kayang gawin ng pamahalaan laban sa sarili nitong mga kaalyado at pinakamalapit na tao ?
Kung tunay na walang pinipili ang kampanya laban sa korapsyon, dapat makita ito sa resulta.
Hindi lamang sa mga pangalan ng inisyuhan ng warrant.
Hindi lamang sa mga madaling pagdakip.
At hindi lamang sa mga taong politically convenient na gawing halimbawa.
May nauna nang kaso kung saan ang state witness ay si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan. Kaya hindi kataka-takang may pangambang baka maulit ang ganitong senaryo:
Haharap sa kaso ang isang mataas na opisyal, ngunit sa bandang huli ay magiging saksi upang ituro ang iba.
Kung mangyayari ito kay Romualdez, lalo lamang lalalim ang tanong:
Sino ba talaga ang hinahabol ng gobyerno-ang ugat ng korapsyon o ang mga taong maaaring isakripisyo para palabasing may ginagawa ito?
Dito rin pumapasok ang kontrobersiyal na paggamit ng salitang “drama” laban kay VP Sara nang kuwestiyunin nito ang seguridad at kaligtasan niya.
Ngayon may mga nagtatanong: kung napakadaling tawaging drama ang pangamba ng isang kritiko sa seguridad, bakit hindi rin pagdudahan ang mga pangyayaring tila napapanahon at napakaganda ng pagkakasunod-sunod?
Hindi kaya sa bandang huli , ang akusasyon ng “drama” ay bumabalik sa mismong pamahalaan?
Hindi natin sinasabing drama ang pagkakaospital ni Romualdez.
Hindi rin natin sinasabing palabas ang kaso laban sa kaniya.
Pero sa isang gobyernong nangakong hahabulin ang mga “big fish”, may karapatan ang publiko na magtanong kung sino ang tunay na “big fish” at kung hanggang saan talaga ang tapang ng gobyerno.
Dahil kung ang pinakamalalapit sa kapangyarihan ay hindi kayang panagutin, mahirap kumbinsihin ang taumbayan na patas ang laban kontra korapsyon.
Kaya maging alisto.
Balikan ang pattern.
Tingnan ang mga pangalan, ang timing, ang mga desisyon at kung saan hahantong ang bawat kaso.
Dahil sa pulitika, hindi sapat na makita kung sino ang unang inaresto.
Mas mahalagang bantayan kung sino ang huling makukulong – at kung sino ang makakalusot.
At kung sa dulo ay mauwi lamang sa isang malaking palabas ang lahat, ang taumbayan na naman ang manonood, magbabayad at magsisisi.
Drama ba talaga ito?
O may mas malaking eksenang hindi pa ipinapakita ?



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.