Mabilis na kumalat sa social media ang mga video ng komprontasyon sa pagitan ni Presidential Spokesperson Claire Castro at mga Pilipinong nagpoprotesta sa Vancouver, Canada.
Habang nagsasagawa ng video reels kaugnay ng opisyal na aktibidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinarap at kinompronta si Castro ng mga demonstrador. Umalingawngaw ang mga panawagang humihiling ng pagbibitiw ng pangulo habang nakataas ang mga placard, megaphone at bandila bilang simbolo ng kanilang protesta.
Nang uminit ang sitwasyon at lumakas ang sigawan, humingi ng tulong ang kampo ni Castro sa Vancouver Police upang matiyak ang kanilang seguridad.
Ngunit higit na mahalaga kaysa sa eksenang iyon—ang mensaheng ipinahatid ng mga nagprotesta.
Hindi sila nagtipon doon para sa isang palabas. Nandoon sila upang iparating ang kanilang pagkadismaya sa direksiyon ng pamahalaan.
Maaaring hindi sang-ayunan ng lahat ang kanilang paraan ng pagpapahayag, ngunit hindi rin maaaring ipagkibit-balikat ang dahilan kung bakit sila nagsalita.
Kapag maging ang mga Pilipinong libu-libong kilometro ang layo sa sariling bayan ay naglalaan ng oras upang magprotesta, malinaw na may mga usaping patuloy na bumabagabag sa kanila. Hindi ito dapat basta ituring na simpleng ingay o kaguluhan.
Advertisement
Madalas sabihin ng mga nasa kapangyarihan na may hangganan ang freedom of expression. Totoo iyan. Ngunit sa isang demokrasya, hindi rin maaaring piliin lamang ng gobyerno ang mga boses na nais nitong pakinggan. Ang kalayaan sa pagpapahayag ay pinakamahalaga kapag ang mensahe ay kritikal sa mga nasa poder.
Hindi nalulutas ang krisis ng tiwala sa pamamagitan ng pagbatikos sa mga nagpoprotesta. Hindi rin ito naaayos sa pamamagitan ng mahusay na public relations o magagandang video reels.
Ang tunay na tanong ay hindi kung bakit sila sumigaw.
Ang tunay na tanong ay bakit dumarami ang mga Pilipinong nakararamdam na kailangan nilang sumigaw upang mapakinggan.
Kung naniniwala ang pamahalaan na mali ang pananaw ng mga kritiko nito, ang pinakamabisang sagot ay hindi katahimikan o pagmamaliit sa protesta. Ang pinakamabisang sagot ay malinaw na paliwanag, pananagutan, at konkretong aksiyon sa mga isyung kinakaharap ng bansa.
Ang harap-harapang pagsigaw ng mga Pinoy kay Ante Kler ay patunay na humulagpos lamang ang damdamin ng mga ito dahil sa kasinungalingan at korupsiyon sa Pilipinas.
Maging wake-up call sana ang naging hakbang ng mga overseas Pinoy na kumakatawan sa matinding pagkadismaya sa Marcos administration.
Sapagkat sa kasaysayan, hindi kailanman naging problema ang malakas na boses ng taumbayan. Ang tunay na problema ay kapag ayaw pakinggan ng gobyerno ang katotohanan.






