Tila may nakatutok na pressure sa likod ni PBBM—si Uncle Sam.
At ngayon, panahon na para siya pumili.
Ito sa kasalukuyan ang pinakamalaking dilemma ng BBM Administration: susunod ba sila sa Estados Unidos? O uunahin ang kapakanan ng bayan? Sa gitna ng banta ni Rubio laban sa mga bansang kasabwat ng ICC, at ang bitag na iniwan ng kaso ni Duterte sa The Hague, mapipilitan si Marcos na pumili—at baka doon na malaman kung sino talaga ang pinaglilingkuran niya.
Mahihirapan ang BBM Administration na balansehin ang magkasalungat na paninindigan ng kaniyang administrasyon at ng United States hinggil sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang nagbabala si U.S. Secretary of State Marco Rubio na ang mga bansang umaasa sa tulong ng Amerika ngunit patuloy na kumikilala o nakikipagtulungan sa ICC ay maaaring isailalim sa masusing pagsusuri, na posibleng humantong sa mga diplomatiko o pang-ekonomiyang hakbang.
Hindi maikakailang taliwas ito sa naging desisyon ng Administrasyong Marcos Jr. na arestuhin at isuko sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kaugnay nito, tila haharap ang kasalukuyang administrasyon sa isang sensitibong pagsubok sa diplomasya.
Masusubok din ang sinasabing malapit na ugnayan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at U.S. President Donald Trump. Kung lalong paiigtingin ng Estados Unidos ang kampanya laban sa ICC, paano ito babalansehin ng Pilipinas nang hindi naaapektuhan ang relasyon nito sa pinakamahalagang kaalyado?
At kung sakaling magbago ang pandaigdigang posisyon ng U.S. hinggil sa ICC, ano naman ang maaaring maging implikasyon nito sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng korte sa The Hague?
Advertisement
Kaya bang panindiganan ng administrasyong Marcos ang kasalukuyang tindig nito sa ICC kahit magkaroon ng posibleng pressure mula sa isang makapangyarihang kaalyado? O pipiliin nitong unahin ang mga benepisyong pang-ekonomiya, pangseguridad, at diplomatiko na nakukuha mula sa ugnayan nito sa Estados Unidos?
Sa larangan ng internasyonal na relasyon, malinaw na ang bawat alyansa ay may kaakibat na pambansang interes. Kaya ang tunay na tanong ay hindi kung sino ang mas malapit na kaibigan, kundi kung paano poprotektahan ng Pilipinas ang sarili nitong interes nang hindi isinasakripisyo ang prinsipyo o ang mahahalagang ugnayan nito sa ibang bansa.
Isa itong acid test para sa BBM Administration. Kung pananatilihin nito ang kasalukuyang posisyon, ano ang magiging epekto nito sa bilateral trade, seguridad, at iba pang kasunduang nakataya? Higit sa lahat, may konkreto ba itong pakinabang para kay Juan dela Cruz?
Ito ang tunay na hamon ng Pilipinas: paano ipagtatanggol ang sariling prinsipyo nang hindi isinasapanganib ang mahahalagang alyansa. Malaki ang maaaring maging epekto nito sa kinabukasan ng bansa dahil nananatiling mahalagang katuwang ng Pilipinas ang U.S. sa usaping seguridad, ekonomiya, at ugnayang panlabas.
Subalit kung hindi magiging malinaw at consistent ang paninindigan ng administrasyon, maaari itong magdulot ng kalituhan—hindi lamang sa larangan ng diplomasya kundi maging sa tiwala ng taumbayan.
Maiipit si PBBM sa kaniyang prinsipyo at pakikipagrelasyon habang ang taumbayan ang sasalo sa anumang negatibong resulta nito.
Sa huli, iisa lang ang tanong: sino ba talaga ang ipagtatanggol ni PBBM—ang sarili niya, ang kaniyang alyansa sa Amerika, o ang bayang umaasa sa kaniyang pamumuno?
Kung magkakamali siya ng hakbang, hindi siya ang sasalo ng kahihinatnan. Tayo. Ang taumbayan ang magbabayad nito.
Panoorin natin kung may lakas ng loob ang BBM Administration na tapatan ang tunay na tanong: kanino o sino ba talaga ang kanilang kakampi?





