Nagbabala ang World Food Programme (WFP) na maaaring madagdagan ng $727 milyon ang gastusin nito pagsapit ng kalagitnaan ng 2027 dahil sa mga sagabal sa shipping routes na dulot ng mga digmaan sa Middle East at Ukraine.
Ayon kay WFP Executive Director Luke Lindberg, maaapektuhan ang pag-aabot ng ayuda para sa karagdagang 7.3 milyong katao dahil sa tumataas na gastos sa transportasyon at mga bilihin.
Kabilang sa mga rutang naaapektuhan ang Strait of Hormuz, Bab el-Mandeb Strait, at Black Sea, na dinaraanan sa pagdadala ng pagkain at mga produktong ginagamit sa agrikultura. Pinalalala rin umano ng mga epekto ng climate change, gaya ng El Niño, ang sitwasyon.
Sinabi ni Lindberg na nasa 266 milyon na ang nakararanas ng matinding gutom sa buong mundo, habang nanganganib naman sa taggutom ang ilang bahagi ng Sudan, South Sudan, at Somalia.
Ayon pa sa WFP, ang tumataas na presyo ng trigo, enerhiya, at transportasyon, gayundin ang limitadong supply ng pataba, ay lalo pang nagpapahirap sa kanilang operasyon at nagbabawas sa dami ng pamilyang natutulungan.
📷 Reuters
