Inilabas na nga ng Sandiganbayan ang warrant of arrest nito laban kay Senador Rodante Marcoleta at sa tatlong iba pa dahil sa kasong plunder kaugnay ng pagtanggap nito ng P75 milyong campaign contributions noong tumakbo siya bilang Senador sa 2025 national elections.
Pero taliwas sa mga madramang pagsisilbi ng arrest warrant sa ibang mga akusado, isinuko ni Marcoleta ang kaniyang sarili sa awtoridad.
Ginawa niya ito matapos humarap sa Sandiganbayan na duminig sa kaniyang motion to quash the information at motion to defer the issuance of warrant of arrest.
Katuwiran ng anti-graft court, moot and academic na ang mosyon para ipagpaliban ang pagpapalabas ng warrant of arrest dahil naibaba na ito, samantalang nakabinbin naman para dinggin ang kaniyang motion to quash.
Sa naging hakbang ni Marcoleta, may mga nalungkot at mayroon ding humanga.
Hindi kasi kinakitaan ng pagkalungkot o kawalang pag-asa ang aura ni Marcoleta, bagkus maayos nitong tinanggap ang desisyon ng Sandiganbayan.
Marami ang humanga sa mambabatas dahil taliwas sa karaniwang nasasaksihan sa ilang personalidad na akusado, hindi nito iniwasan at pinagtaguan ang batas.
Advertisement
Sa halip, matapang niyang tinanggap ang kaniyang sitwasyon sa pag-asang sa huli ay lalabas din ang katotohanan.
Hindi kaya halong pamumulitika ang pagsusulong ng kaso laban kay Marcoleta?
Kung timing ang pag-uusapan, itinaon ang pagpapalabas ng warrant of arrest sa araw ng pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Bagama’t kilalang kaalyado ng mga Duterte, una nang tiniyak ni Marcoleta ang pagiging impartial nito sa kaniyang pag-upo bilang senator-judge.
Sa harap din ito ng pagtatapos ng 3-araw na Rally para sa Katotohanan at Katarungan na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo at ng iba pang sector na nagnanais papanagutin ang mga tunay na nasa likod ng malawakang katiwalian sa Pamahalaan.
Sa pagkawala ng presensya ni Marcoleta sa gagawing paglilitis, marami ang umaasa sanang makikipagtagisan siya ng galing sa larangan ng batas.
Sa naging pagsuko ni Marcoleta sa awtoridad, mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ang sukatan sa tunay na pagiging matapang at sa pagiging tunay na lalake.




