Inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta. Nag-ugat ito sa sinasabing pag-amin daw ni Marcoleta sa pagtanggap ng “unexplained, undisclosed campaign contributions” noong tumatakbo itong Senador sa nakaraang 2025 National Elections.
Partikular na sinasabi ng Ombudsman ang discrepancy sa campaign finances ni Marcoleta dahil iniulat sa isinumite nitong Statement of Contributions and Expenditures o SOCE na zero campaign contributions, bagama’t nagdeklara ng P112.8 million campaign expenditures noong 2025.
Inamin ni Marcoleta na hindi niya iniulat ang mga donasyon upang protektahan ang pagkakilanlan ng mga nagbigay ng donasyon.
Paliwanag ng Ombudsman, sa ilalim ng Plunder Law, maituturing na “ill-gotten” wealth ang pagtanggap, direkta o inderekta, ng komisyon, regalo, share, percentage, kickback, o anomang pecuniary benefit mula sa indibidwal o entity na may kaugnayan sa anomang government contract o proyekto, o dahil sa posisyon ng isang lingkod bayan.
Pero ang kasong ito’y una nang ibinasura ng Commission on Elections. Sa isang resolusyon, inirekomenda ng Political, Finance and Affairs Committee (PFAD) ng poll body ang termination ng motu propio investigation laban kay Marcoleta dahil hindi na umano maituturing na election offense sa ilalim ng Omnibus Election Code ang non-disclosure ng campaign contributions sa SOCE.
Gayunman, ang mga pribadong indibidwal na nagbigay ng donasyon ay maaari umanong habulin ng COMELEC dahil sa election offense, dahil sa kabiguang iulat sa ahensya ang kanilang ginawang campaign contributions.
Bago ang pagsusulong sa kaso kay Marcoleta, aktibo ang senador sa imbestigasyon para tukuyin ang mga mastermind sa likod ng malawakang flood control anomaly. Sinimulan niya ito noong unang hawakan ang chairmanship ng Senate Blue Ribbon Committee.
Advertisement
Pero sa pagpapalit ng liderato na nagpatalsik sa senate presidency ni Senador Francis “Chiz” Escudero, nabinbin hanggang sa tuluyang naibaon ang mga pagdinig. Hindi na rin naimbitahan ang mga personalidad na dapat papanagutin sa malawakang anomalya.
Bago natapos ang 2025, may pangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Ombudsman Jesus Crispin Remulla – may makukulong na malalaking isda. Inanunsyo din ni Remulla na inihahanda na ang kasong plunder kay dating House Speaker Martin Romualdez at Senador Escudero.
Sa mga senador na isinangkot sa flood control anomaly, si dating Senador Ramon Bong Revilla at Senador Jinggoy Estrada pa lamang ang nakasuhan at ngayon ay nakakulong.
Kaya naman nakapagtataka na ang mga ginagawang case build-up laban kay Romualdez at sa iba pa, hindi pa umuusad at nauna pang i-anunsyo ang kaso kay Marcoleta.
At ang kaso kay Escudero at Senador Joel Villanueva, mistulang nalagay na sa backburner dahil sa pagtawid nila sa bagong mayorya sa Senado.
Sa press conference ng Ombudsman nitong Martes (June 30, 2026), sinabi ni Deputy Ombudsman Mico Clavano na hindi pa pala pirmado ang resolusyon para kasuhan si Marcoleta, kaya fake news daw ang mga balitang may warrant of arrest na laban sa kaniya.
Kinukuwestiyon ngayon kung tama bang inanunsyo agad ng Ombudsman ang posibleng paghaharap ng kaso bago ito inakyat sa Sandiganbayan.
Independent daw ang Office of the Ombudsman ayon sa Malacañang kaya’t sarili nito ang pagpapasya kung ipupursige ang kaso laban sa mga iniimbestigahan.
Pero paano matitiyak kung ang mga hakbang ng Ombudsman ay naaayon sa gampanin nito o may pag-abuso sa kapangyarihan para maisakatuparan ang nais ng administrasyon.
Hindi natin kinukuwestiyon lalo na kung totoong may basehan ang mga isinasampang kaso pero paano kung wala? Paano ngayon maihihiwalay ang mga pangamba na baka bahagi ito ng pamumulitika at panggigipit sa mga kritiko? Hindi ba’t nakapiring ang hustisya para tiyakin na wala itong pinapaboran at kinikilingan?




