I am appalled by the insensitivity, the self-righteousness, and the high and mighty stance of some. Akala mo kung sinong nakaupo sa taas, nakatingala ang ilong, na parang sila ang nagmamay-ari ng tama at ng moralidad. May mga tao, kasama na ang ilang boses mula sa Palasyo, na kapag tiningnan ang libu-libong nagmartsa sa lansangan, iisa lang ang nakikita: traffic, abala, at ang mas masakit, tinawag pa nilang “abuse.”
Ganito ang kanilang argumento. Ang mga rallyista raw ay walang malasakit. Hindi raw nila iniisip ang mga manggagawang hindi makararating sa trabaho, ang mga estudyanteng hindi makapapasok, at, yung paboritong emotional hook, ang mga ambulansyang may pasyente na hindi makadaan. Insensitive daw ang mga pagra-rally sa lansangan.
Let me be honest. Ayoko rin ng traffic. Walang taong gusto ng traffic. Yes, there are inconveniences, real ones, and we should never forget them. Totoo na may naaabala. Hindi ko sasabihing walang sakit at pait na naidudulot ang isang rally. May sakit.
Pero ito ang tanong na ayaw nilang sagutin o pakinggan. Para saan ang abala? What is all this inconvenience for? Hindi ba't isang mapait na gamot ito? At kung mapait man, dahil ba ito ay lason, o dahil sa ito ay gamot na kailangan ng isang lipunang may malubhang sakit?
Sige, magpaka-intellectual tayo ngayon. Ayon sa pag-aaral ng JICA, ang traffic sa Metro Manila ay nagdudulot ng humigit-kumulang P3.5 bilyong pagkalugi kada araw. Kada araw. Tinatayang P1.27 trilyon kada taon. Ibig sabihin, may rally man o wala, lugi na tayo ng P3.5 bilyon araw-araw dahil sa traffic. Ang traffic na pinalala ng kakulangan at, oo, ng korapsyon sa imprastraktura. Kung gusto nilang pag-usapan ang nasasayang sa kalsada, doon nila simulan.
Ngayon, itabi natin iyan dito. Sa sariling SONA ng Pangulo, sinabi niya mismo na nilustay ng ilang opisyal at kontratista ang mahigit isang trilyong piso na pondo ng flood control. Isang trilyon. Isang trilyon na sana ay naging silid-aralan, ospital, at tunay na flood control na sana'y pumigil ng baha sa mga tahanan at nagligtas ng buhay.
So you want to talk about loss? You want to talk about abuse? Hindi ba’t ang ilang oras ng traffic sa isang rally ay katiting lang kung ikukumpara sa isang trilyong ninakaw sa kaban ng bayan. Na ang abala sa isang umaga, hapon o isang araw ay napakaliit na bagay kumpara sa isang trilyong sana'y nakapagpaaral, nakapagpagamot, at nakapagligtas ng buhay? Parang ang inconvenience na ito ay napakaliit na bagay sa harap ng ipinaglalaban ng mga Pilipino para sa bayan.
Advertisement
So who is really being insensitive? Yung mga taong nagmartsa sa ilalim ng araw para singilin ang nawawalang trilyon, o yung mga nakaupo sa malamig na opisina nila na ang tanging nakikita ay ang traffic? Ang sosyal pa nilang magsulat ng caption. Super correct ang grammar at malalim na ingles. At sino ba talaga ang gumagamit ng salitang “abuse” nang mali? Ang abuso ba ay ang paggamit ng kalsada para igiit ang katotohanan, o ang pagnanakaw ng isang trilyon habang lumulubog sa baha ang mga tahanan ng Pilipino?
At ang mga Pilipinong nag-rally, sa palagay mo ba ay hindi rin naabala? Sila rin ay dinaanan ng traffic, iniwan ang pamilya, iniwan ang trabaho, para tumulong na isigaw din ang katotohanan tungo sa isang mapayapang buhay. Karamihan sa kanila ay hindi mayaman. Hinarap nila ang init at ulan habang sumisigaw ng hustisya at ng pagbabalik ng perang ninakaw sa bayan.
Naabala din sila. Pero para kanino, at para saan ang ipinaglalaban? Hindi ba't para sa lahat ng Pilipino? Para sa bayan. Yung iba, ang abala ay pansarili, sabihin na nating pampamilya. Pero ang mga rallyista, ang abala nila ay para sa kapakanan ng mga nabaha, ng mga ninakawan ng serbisyong panlipunan at ng oportunidad.
And about that ambulance. Yes, every life matters, and no patient should ever be stuck on the road. Pero kung tunay tayong nagmamalasakit sa mga pasyente, ipaglaban din natin ang mga ospital na hindi naitayo, ang mga gamot na hindi nabili, at ang mga buhay na nawala sa baha dahil ninakaw ang pondo. Hindi mo maililigtas ang isang pasyente sa pamamagitan ng pananahimik sa pangungurakot.
Oo, mapait ang gamot. Nakakaabala ang traffic. Pero mas mapait ang isang bayang tinanggalan ng isang trilyon habang sinasabihang tumahimik baka raw maabala ang biyahe. Ang tunay na abala, ang tunay na abuso, ay ang mga buwaya sa kaban ng bayan, hindi ang mga mamamayang tumayo para singilin sila.
Lulunukin ko ang mapait na gamot ng traffic. Pero hindi ko lulunukin ang kasinungalingang ang paninindigan ay abuso.
Mapait man, ito ang gamot na kailangan natin. And that is the bald truth here.



