May hawak na timbangan si Lady Justice, ang simbolo ng katarungan. Nakapiring ang kanyang mga mata upang maging patas. Hindi niya dapat tinitingnan kung sino ang nasa harap niya: mayaman o mahirap, makapangyarihan o karaniwang mamamayan. Iisa lang ang dapat niyang timbangin, ang katotohanan.
Ngunit sa nangyayari ngayon kay Senador Rodante Marcoleta, para bang natanggal ang piring. Para bang dumilat ang hustisya, tumingin, at piniling puntiryahin ang iisang tao. Kaya nga ang tanong ng publiko: pinipili nga ba ang piring ng hustisya?
Aarestuhin si Marcoleta dahil sa campaign contribution? Talaga ba?
Kaduda-duda ang mabilis na aksyon ng Office of the Ombudsman sa diumano’y plunder case ni Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng campaign contributions.
Teka, ano nga ba ang plunder o pandarambong? Ang pandarambong ay pagnanakaw o pangungulimbat. Ito ay isang mabigat na kasong may kaugnayan sa ilegal na pagkamal ng yaman mula sa pampublikong pondo.
Sa kasong ito, nag-ugat ang reklamo sa pagtanggap ni Senador Marcoleta ng P75 milyong campaign contribution. Tandaan, contribution ito, mula sa tatlong personalidad: isang dating mambabatas at dalawang negosyante.
Ayon sa Ombudsman, hindi umano ito naideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE). Ngunit ano ang kinalaman nito sa isang plunder case kung ang perang ito ay hindi naman galing sa kaban ng bayan at hindi ninakaw?
Advertisement
Sabi ng dating Senate President Chiz Escudero, “forthwith” dapat ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control project. Naimbestigahan ba agad? O ang “forthwith” na ito ay ini-apply lamang ng Ombudsman kay Senador Marcoleta?
Ang kasong ito na tila niluto para kay Senador Marcoleta ay sumulpot lamang matapos niyang hayagang ipahayag ang kagustuhang maimbestigahan at mapanagot ang mga sangkot na tiwaling opisyal ng pamahalaan sa trilyong pisong pondo ng maanomalyang flood control project.
Habang ito’y tila naiiwan at nababaon na sa limot, at waring pinagtatakpan ang pagkakasangkot nina Chiz Escudero at Joel Villanueva, na mas maaga nang lumutang bilang itinuturong diumano’y sangkot sa anomalyang ito.
Kaya hindi maaalis sa isipan ng publiko na para bang piling-pili ang piring ng hustisya sa bansa: bulag sa mga may kapangyarihan, ngunit nakadilat at nakatuon kay Marcoleta, na alam nang lahat na “hitik sa bunga,” may natatanging kaalaman, at tunay na lumalaban sa katiwalian.
Isa pang malaking katanungan: bakit biglang naging state witness ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, samantalang ang senador na nagsusulong ng katarungan sa anomalyang ito ang siyang pangunahing nahaharap sa mabigat na kaso?
Ganito na ba ang pamahalaan ng Pilipinas ngayon? Kung sino pa ang tumutuligsa at naglalantad ng katotohanan, siya pang inaakusahan ng mabigat na kasalanan.
Kaya balikan natin si Lady Justice. Kung sadyang sumilip sa kaniyang pagkakapiring upang tumutok sa iisang senador habang pinipikit ang mata sa mga tunay na may kasalanan, hindi na iyon katarungan. Iyon ay panggigipit na nagkukunwaring batas.
Ito ba ang demokrasya? O pagsikil sa kalayaan ng bansa?





