Pinaalalahanan ng DTI-Central Luzon ang mga tindero at mamimili na ipatutupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity dahil sa pagbaha.
Kabilang dito ang buong Pampanga at ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy at Bulakan sa Bulacan, gayundin ang Masinloc sa Zambales.
Ayon sa DTI, mananatiling naka-freeze ang presyo ng mga sakop na bilihin nang 60 araw sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, maliban kung mas maagang alisin ng Pangulo.
Kabilang sa mga produktong sakop ng price freeze ang de-latang isda, gatas, kape, sabon panlaba, kandila, tinapay at lokal na instant noodles.


