Umaga pa lang ay ramdam na ang bigat ng seguridad at dagsa ng tao sa paligid ng naturang events place.
Nagtipon-tipon ang ilang grupo ng mga raliyista upang magprotesta at bantayan ang isasagawang imbestigasyon hinggil sa flood control scandal.
Dahil dito, agad na nag-deploy ng maraming puwersa ng kapulisan malapit sa Ortigas MRT Station na katabi mismo ng venue. Naka-barikada na ang mga pulis upang masiguro ang kaayusan at pamahalaan ang daloy ng trapiko sa tapat ng gusali.
Kabilang sa mga unang dumating sa lugar ang labing-walong (18) ex-marines na naka-standby para sa pagpapatuloy ng pagdinig. Namataan din sa lugar si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Ret. Gen. Hermogenes Esperon Jr. na dumalo upang magpakita ng suporta sa imbestigasyon.
Dumating din si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na nagpahayag na siya ay nakatakdang tumestigo ngayong araw upang magbigay ng kanyang pahayag hinggil sa kontrobersya.
Nagkaroon ng tensyon sa labas ng venue matapos harangin at hindi papasukin sa loob si Senador Imee Marcos.
Sa kabila ng sitwasyon sa labas ng gusali, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA habang inaabangan ang susunod na kaganapan sa loob at labas ng pagdinig.



