"Dalawang korte ang humahatol sa impeachment, ang Senado at ang hukuman ng opinyong publiko (bar of public opinion)." Ito ang naging batayan ni Atty. Mike Operario sa pagsusuri niya sa tatlong araw na impeachment trial laban kay VP Sara Duterte, at ayon sa kanya, malinaw kung sino ang nangunguna sa dalawang larangan.
Unang Araw: Ang gulo sa itaas
Bago pa man makarating sa substansya ng kaso, may kontrobersiya na agad sa Senado. Sa halip na si Senate President Win Gatchalian, si Senator Chiz Escudero ang naupong presiding officer.
Ayon kay Operario, malinaw ang Konstitusyon dito: "The deliberations noong 1987 Constitution ay very clear na ang presiding officer ay automatically ang Senate President," maliban na lang kung ang Pangulo mismo ang nililitis, kung saan ang Chief Justice ang dapat mamuno.
"So wala dapat eleksyon na kagaya ng ginawa nila kahapon," dagdag niya, kaugnay sa botohan ng senado para ihalal si Escudero.
Ang epekto, sabi ni Operario, ay naging awkward at nakakahiya ang naging papel ni Gatchalian.
"Nagmukha tuloy siyang katawa-tawa doon sa itaas," dagdag pa na ilang memes na umikot online ang tumawag sa kanya na "SP daw o Saling Pusa." Sa palagay niya, mas maganda sana kung tumayo na lang si Gatchalian at bumaba, dahil wala na siyang papel na gagampanan doon.
Bukod dito, malaki rin ang panalo ng depensa nang ipinasauli ng Senado ang BIR box na naglalaman ng mga tax records nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Manases "Mans" Carpio, dahil hindi ito naging opisyal na ebidensya o "na-mark" sa kasalukuyang proseso.
Tinawag ito ni Operario na bahagi ng "Fishing Expedition 2.0" ng prosecution, na sa pananaw niya ay walang sapat na batayan para hilingin ang bank records ng Bise Presidente, dahil kahit ang datos na hawak nila mula sa AMLC ay pinagdudahan na, may ulat pa nga na nagkamali ang BPI sa pag-record ng mga transaksyon.
Sa opening statements naman, tinawag niyang malinaw at "lawyerly" ang pagtatanghal ng depensa, samantalang tinuran niyang parang political speech lamang ang ginawa ni Congressman Luistro.
"Nakalimutan niya na siya ay abogado," aniya, dagdag pa na puno raw ito ng mga generic na pahayag tungkol sa accountability na wala namang tunay na nilalaman.
Ikinumpara pa niya ito sa debate nina JFK at Nixon noong 1960, kung saan mas napanalunan ni JFK ang publiko dahil sa kumpiyansa at itsura, hindi lamang sa nilalaman ng sinasabi.
"Everything is magnified pag ikaw ay nasa TV," pabiro niyang sabi.
Isa pang huling puna niya sa unang araw ay ang pagpili ng prosecution na unahin ang Article IV, ang grave threats charge, bilang kanilang pambukas na kaso.
Sa kanyang pananaw, senyales ito ng kahinaan, dahil kung talagang malakas ang kaso nila sa plunder o unexplained wealth, doon dapat sila nagsimula.
"Dapat yung pinakamalakas na kaso mo ang uunahin mo," aniya.
Ikalawang Araw: Ang video
Advertisement
Sa ikalawang araw, ipinalabas ng prosecution ang video ng press conference ni VP Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan diumano nagbanta siya kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Ito mismo ang ebidensyang tinatalakay ni Operario noong unang araw pa lang, at sa pagsusuri niya rito, may isang legal na argumento siyang pinaigting: kondisyonal ang banta, dahil ayon sa kanyang pagbasa, sinabi umano ni VP Duterte na kung siya ay mapapatay, may nakatalaga na siyang tao para gumanti.
"You cannot prosecute someone from the grave," paliwanag niya, dahil hindi na maaaring managot ang isang taong patay na.
Kailangan din ng 16 boto mula sa mga senator-judges para ma-convict, pero sabi mismo ng prosecution, "nakascore sila ng points" nang ipinalabas nila ang video.
Ikatlong araw: Ang cross-examination
Sa ikatlong araw, halos buong araw na ginugol sa cross-examination ng depensa kay NBI Agent John Mark Calilung, ang nag-authenticate ng bidyo.
Si Defense Counsel Carlo Narvasa ang nangunguna sa pagtatanong, sinusuri ang mga dokumento hanggang sa chain of command na nag-udyok sa imbestigasyon ng NBI.
Isang dosena pang senator-judges, kasama si Senate President Gatchalian mismo, sina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Joel Villanueva, Imee Marcos, Erwin Tulfo, Robin Padilla, at Migz Zubiri, ang sumabak din sa pagtatanong.
Interesanteng puntong lumabas: sabi ng defense counsel na si Mark Vinluan, hindi raw sapat na batayan ang "kill remarks" para maging impeachable offense dahil walang napatunayang inupahan ni VP Duterte na sinumang assasin.
Ito, sa katunayan, ay halos parehong argumento sa legal na punto na inilatag na ni Operario nang analisahin niya ang video mula pa noong unang araw.
At sa halip na iharap ang susunod na testigo, si NBI Regional Director Jeremy Lotoc, inantala na lang ito ng prosecution hanggang Hulyo 13.
Ang bottom line, ayon kay Operario
Sa buong pagsusuri niya, patuloy na binabalikan ni Operario ang isang argumento: kulang sa boto ang prosecution, at alam nila ito.
"Sinasabi ko ito, this impeachment is dead," aniya.
"Alam naman ng prosecution 'yan. Alam 'yan ng mga kakampi ni BBM na mga senador na walang kapupuntahan nito."
Kung gayon, tanong niya, bakit pa ituloy?
Ang sagot, sa kanyang palagay, ay hindi tungkol sa hustisya kundi sa pagda-divert ng atensyon.
Ikinumpara pa niya ito sa mga estratehiyang ginamit noong panahon ni Marcos Sr., kung saan ang mga taumbayan ay "inaaliw" habang nagpapatuloy ang mas malaking kuwento ng korapsiyon sa likod ng eksena.
Sa kanyang huling mensahe:
"Ang problema natin ay ang walang habas na korapsyon, at hanggang ngayon ay wala pang nananagot. Hindi impeachment ang magdadala sa atin sa katarungan kundi ang inyong patuloy na pakikilahok, pagmamasid, at pag-aaral."






Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.