Idineklara ng legal na kampo ng Ateneo de Manila University College Atheltics Office na walang kinalaman o direktang partisipasyon ang kanilang athletic director at management sa naganap na out-of-town team-building activity sa Dipaculao, Aurora na nagresulta sa pagkalunod ng dalawang student-athletes.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng abogado ng pamunuan na hindi alam at walang pahintulot mula sa unibersidad ang isinagawang training camp ng coaching staff sa labas ng Metro Manila.
Ayon sa depensa, ang naturang aktibidad ay binuo at pinatupad nang direkta sa ilalim ng pamamahala ng mga coach, nang hindi dumaan sa standard clearance at approval ng athletic department para sa mga out-of-town trips.
Nilinaw ng pamunuan na ang responsibilidad sa kaligtasan at pagpapatakbo ng training camp ay nasa mga indibidwal na nag-organisa nito sa mismong lokasyon.
Ang paglilinaw na ito ay inilabas kasunod ng naging rekomendasyon ng PNP-CIDG na magsagawa ng preliminary investigation para sa posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act laban sa mga dating opisyal ng koponan at coaching staff na naroon sa insidente.



