Mga dabarkads, alas dose na! Yan ang katawagan ngayon galing sa salitang barkada na ipinauso ni Tito, Vic at Joey, o TVJ, mostly ukol sa kanilang mga loyal followers.
Ang TVJ ang mga pangunahing hosts ng long-running noontime variety show na kung tawagin ay “Eat Bulaga.” Almost 44 years nang napapanood ang lunchtime TV show na ito na kinapapalooban ng mga comedy skits, game shows na may mga papremyong malalaki at segment na nagpataas ng rating nito through the years. Subalit, sa kasalukuyan, ang “Eat Bulaga” ay nababalot sa kontrobersiya.
Kamakailan lamang ay hinarang ng Television And Production Exponent (TAPE Inc) sina TVJ na mag-live on air ang “Eat Bulaga.” Ang TAPE Inc. ay producer company ng “Eat Bulaga” mula pa noong 1995 na pinamamahalaan ng mga Jalosjos, na kilalang isang political family. Hindi pa tapos ang usapang “tambaloslos,” Jalosjos naman ang tumambad sa atin.
Natunugan nina TVJ “Eat Bulaga” na sila ay ireretiro na ng TAPE Inc. kaya minabuti nila na humiwalay na sila bago pa umabot sa ganun. Lumabas din na kaya sila ireretiro ay papalitan na sila ng JOWAPAO team (Jose, Wally at Paolo) na inofferan na ng TAPE, Inc. ng malaking talent fee— kaya lang ay tumanggi ang mga ito sapagkat ang loyalty nila ay nasa TVJ. Sa paglisan ng TVJ ay nadala nila ang kanilang mga dabarkads na ilang dekada na rin nilang kasama, bagama't may ilan din na nanatili sa TAPE Inc.
Bagama’t ayaw ng dalawang kampo ang maglabas ng kanilang kaguluhan noong ito ay umusbong ay sumingaw din ito sa mainstream media na nagsikap naman na mainterbyu ang dalawang kampong ito. Kinalaunan ay lumabas din ang katotohanan na malalim na ang kaguluhan nila at tila baga wala nang pagkakaroon ng pagkakasundo.
Ang gulong ito ay nagsimula raw ng manghimasok si Cong. Romy Jalosjos, chairman ng TAPE Inc. Si Romy ang ama ni Bullet at Jon-Jon Jalosjos na siyang mga nagpapalakad ng kumpanya at mga nagpapaliwanag tungkol sa gusot na ito. Wika ng mga Jalosjos ay, may mga anomalya na sa likod ng “Eat Bulaga” na kinabibilangan ng mga malalaking cash advances ng mga talents na umaabot sa P15-M. Bukod dito ay gusto nila na maayos at ma-streamline ang mga gastusin sa show na ito na excessive ayon sa kanilang mga records.
Advertisement
Lumitaw rin buhat sa mga interviews ang issue ng legal owership ng “Eat Bulaga.” Kini-claim ng TAPE Inc. na matagal na nilang naparehistro ang “Eat Bulaga” sa Bureau of Intellectual Property bilang “trademark right” nila. Oo nga't nakarehistro sa kanila ang pangalang “Eat Bulaga,” subalit ang application nito ay nasa kategoryang for “merchandising right” only. Halimbawa, kung ididikit ang pangalang “Eat Bulaga” sa T-shirt, sa mugs at iba pa sapagkat “trademark right” nga ito.
Sinabi naman ng TVJ na naiparehistro din nila sa Bureau of Intellectual Property Office sa pangalan nila ang “Eat Bulaga” pero recent lang, early this year. Ito naman ay sa kategoryang for “entertainment services right.” Hindi lang iyon—ang tunay na nag-coin ng title na ito ay si Joey de Leon at nag-compose ng music ay si Vic Sotto, ayon sa kanila. Si Tito Sotto naman ang nagsabing siya ay manager ng dalawa. Samakatuwid ay “copyright” ang kanilang ipinasok.
So, kung pag-uusapan ay karapatan, sila ang pangunahing dapat kilalanin na meron nito, ayon sa kanila.
Sa kasalukuyan ay pending pa ang pagkakarehistro ng TVJ for “entertainment right.” So, may certificate of ownership na ba sila ng rights? For sure wala pa—kasi pending pa nga. Samatalang ang pagkarehistro ng TAPE Inc. sa “merchandising right” category ay mage-expire na sa June 14, 2023.
Kailangan naipa-renew na nila ito 6 months before kung gusto nilang ma-extend. Nagawa na kaya nila? Medyo masalimuot ito dahil copyright ownership vs. trademark ownership ang nagkakabanggaan dito.
Samantala ang TVJ “Eat Bulaga” ay lumalabas sa kasalukuyan sa kanilang Facebook page bilang pasakalye nila bago ang premiere nila sa July 30 sa network na kanilang nilipatan. Napabalita na ito ay umaani ng maraming viewers. Ang kabilang kampo ng “Eat Bulaga,” ay humakot naman ng mga bagong talents, na ang isa sa mga main hosts ay si Yorme.
Kung magkakademandahan ang dalawang kampong ito ay mag-antay na lang tayo kung sino ang mananalo. Ayon sa mga abogado ay matagal na proseso ito. Depende na ito, siyempre, sa husay ng kanilang kinuhang abogado. Subalit tanging court judge ng Supreme Court lang daw ang makapag-desisyon ukol sa usaping ito, sabi ng mga law experts na nagbibigay ng kanilang opinyon.





