Kalunos-lunos na trahedya ang sinapit ng limang katao na sakay ng Titan submersible, ang Titanic exploration submarine na napaulat na nawawala noon pang Linggo. Pagkatapos ng halos isang linggong masusing paghahanap sa karagatan, kinumpirma ng U.S. Coast Guard na nawasak sa 'catastrophic implosion' ang tourist vessel.
Ikinagulat ng tanyag na Hollywood director na si James Cameron ang nangyari at sinabing may pagkakatulad umano ito sa trahedyang sinapit ng Titanic. Aniya, 'overconfidence' ang sanhi ng disaster.
Sa Titanic disaster noong 1912, binabalaan ang kapitan tungkol sa ice na nasa unahan na ng barko subalit ipinasya pa rin nitong mabilis na tahakin ang ice field. Dahil sa ipinagwalang-bahalang babala, marami ang nasawi.
Sa panayam ng international media, pinuna ni Cameron ang kayarian ng Titan submersible na gawa sa carbon fiber. Ipinagtanggol noon ni OceanGate CEO Stockton Rush ang desisyong gumamit ng carbon fiber para sa sub dahil para sa kaniya, mas mainam ang 'strength-to-buoyancy' ratio nito kumpara sa titanium.
Sa dinami-dami nga naman ng mga diving na ginagawa sa buong mundo, naganap pa rin ang trahedyang ito.
Advertisement
Marami na ring tinanggap na babala ang OceanGate tungkol sa Titan. Ayon sa mga eksperto, masyadong 'experimental' ang ginagawa ng kumpanya para magsakay ng mga pasahero.
Gayumpaman, itinuloy pa rin ang tourist exploration gamit ang pinangangambahang submersible.
Nasawi sa trahedya ang British explorer na si Hamish Harding, French expert Paul-Henri Nargeolet, Pakistani-British tycoon Shahzada Dawood at anak nitong si Suleman, at ang mismong CEO at sub-operator na si Rush.
Marami ang nalungkot sa kanilang pagkamatay, lalo pa nga't halos isang linggong naging mainit ang balita tungkol sa massive rescue effort na ginawa para sa mga pasahero ng Titan.
Tiyak naman na magagamit ang impormasyon sa nangyaring ito sa mga pag-aaral at pagsusuri ng mga eksperto para makapagbigay pa ng babala sa mga magtatangkang i-explore ang karagatan gamit ang sub-standard na mga vessel.
Ang pinupunto ni Cameron, dapat ay natuto na ang tao sa mga pagkakamaling nagawa noon. Ang mga pangyayari sa nakaraan ay hindi lang naman basta impormasyong pang-kasaysayan kundi aral sa mga nabubuhay sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Sabi nga ng manunulat na si Aldous Huxley: 'That men do not learn very much from the lessons of history is the most important of all the lessons that history has to teach.'





