May P141 bilyon ka ba d'yan? Baka naman!
Sa pagtaya kasi ng Department of Transportation, 'yan ang halagang kailangan para mai-rehabilitate, expand at upgrade ang Ninoy Aquino International Airport sa susunod na isa't kalahating dekada.
Habang isinusulat ang pitak na ito, isa na namang brownout ang gumimbal sa mga pasahero na nagdulot ng delay sa mga flight. Siguro nama'y "coincidence lang" na ang mga aberyang ito sa NAIA ay natatapat kapag may holiday – New Year, Labor Day at ngayong papalapit ang Independence Day. Ika nga ng smart at pretty nanays nating sina ma'am Ali Sotto at Pat-P Daza, ano sa palagay n'yo?
Bakit pagsasapribado ang solusyon? Ang isang sinisisi ay ang mahigpit na procurement law. Sabi ng opisyal ng DOTr, kahit mura lang at hindi naman gaanong ka-kritikal ang kailangang ayusin, inaabot pa ng isang buwan ang proseso dahil sa alituntunin ng procurement. Mas mapapabilis raw ang prosesong ito sa ilalim ng privatization. Manapa, lalong bibilis ang modernisasyon ng paliparan.
Kaya kayang maisalba ng privatization ang NAIA mula sa pagkakaroon ng reputasyon bilang isa sa 'worst airports in the world?' Maraming aspeto ang kailangang tignan.
Advertisement
Ang isa sa pinakamahalaga ay ang passenger experience lalo na ng mga dayuhan. Kung magkakaroon na nga ng bagong yugto sa NAIA, sana'y walang dayuhan o kababayan pang madukutan.
Kasama sa tinitingnang plano para sa NAIA ang modernisasyon ng mga pasilidad nito gaya ng control tower, dagdag na boarding gates, electronic check-in counters, pagkakaroon ng automatic visual backing system para sa aircraft, aprons expansion, at improvement sa passenger boarding bridges.
Ang balita ko'y sa unang quarter ng 2024, matatanaw na natin ang pagsasapribado ng NAIA. 'Pag nagkataon, makatutulong raw ang hakbang na ito sa passenger at flight movement.
Kung matutuloy ang privatization, wala raw mawawalan ng trabaho lalo na sa hanay ng MIAA, garantiya ng DOTr.
Paglilinaw pa ng kagawaran, lahat ng assets ng paliparan ay mananatiling pag-aari ng gobyerno at ang papel ng pribadong concessionaire ay limitado sa operasyon at pangangasiwa nito.
Ang NAIA Public Private Partnership project na pinaplantsa sa ngayon ay tatagal ng 15 taon saklaw ang pangangasiwa, pagpapanatili at upgrades sa paliparan. Layon ng gobyerno na makasabay ang bansa sa ibang mga paliparan. Kaugnay nito, target ng DOTr na manawagan sa mga interesadong firm sa Setyembre.
Sana nga'y "hindi madelay" ang planong ito.





