Ang minamadaling Maharlika Bill ng Malacañang ay naipasa na ng Senado kahapon, Miyerkules ng madaling araw, matapos ang ginawang botohan, na nagresulta ng 16–2 votes.
Panalo ang mayorya na panig sa bill na ito. Ang kontra lamang ay si Sen. Risa Hontiveros. Nag-abstain si Sen. Nancy Binay at absent naman si Sen. Imee Marcos na bokal sa kaniyang pagkontra sa bill na ito.
Pagkatapos ng dalawang oras na "turno en contra" speech ni Sen. Koko Pimentel ukol sa pagpigil sa pagsusulong ng bill na ito ay tumutol si Majority Leader Joel Villanueva. Kaya ang botohan ay itinuloy. Ito raw ay isang 'urgent measure' kaya di dapat ma-delay. Naireport na bago magsimula ang botohan ay umuwi na ang bigong senador.
Bigyan natin ng backgrounder itong kontrobersyal na Maharlika Bill. Matatandaan na pitong mambabatas sa mababang kapulungan ang nagfile ng House Bill 6398 noong Nobyembre 2022. Ito ay pinangalanang Maharlika Wealth Fund (MWF). Ang layunin nito ay pasiglahin ang economic activity at development ng bansa sa pamamagitan ng investments. Kabilang sa pitong mambabatas na nagfile o naghain nito ay sina House Speaker Martin Romualdez at Sandro Marcos, pinsan at anak ng Pangulong Bongbong Marcos.
Magkano ang pondo na kailangan para sa sovereign wealth fund na ito? Ang target ay P500 billion.
Ang paglilikuman ay mga bangko tulad ng Land Bank of the Philippines na may investment fund na P1 trillion, Bangko Sentral ng Pilipinas at Development Bank of the Philippines.
Ito naman ang tinutulan ni Sen. Koko Pimentel at tinawag itong isang procedural error.
"We have to correct this as process is as important as substance," ("Dapat natin itama ito sapagkat ang proseso ay kasing halaga ng nilalaman nito"), wika ng Senador.
Dinagdag pa niya na ang bill na ito ay dapat daw isangguni o ma-refer sa Committee on Government Corporations and Public Enterprises, at hindi sa Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, kung ang intensyon ay lumikha ng corporate body.
Sa ganang akin ay may agam-agam ako ukol sa panukalang ito. Sa tingin ko hindi pa handa ang Pilipinas sa ganitong uri ng investment venture. Kung gagawing ehemplo ang ibang bansa na may ganitong uri ng sovereign fund o pondong pang financial investment at sila ay nagtagumpay, ito ay sapagkat nagkaroon sila ng windfall o jackpot sa kanilang pinagkakitaan.
Advertisement
Tulad ng China, kumita sila ng malaki sa kanilang exports, kaya sila ay nagkaroon ng surplus, o excess funds. Ang iba naman ay sa langis, tulad ng Dubai. Subalit, ang Pilipinas, mayroon ba tayong masasabing nagkaroon tayo ng surplus? Tipong wala.
Ang mapait na katotohanan ay napakarami nating utang, gaya ng ipinahayag ni Sen. Imee Marcos sa isang CNN interview. Ang inaalala niya ay baka mas mabaon tayo sa mas malalaking pagkakautang.
Ang utang natin ay mahigit P12 trillion na. Bagama't hindi naman siya kontra sa panukalang ito, hindi raw klaro sa kaniya ang mga ginawang amendments dito—kaya ito ay bagay na hindi dapat minamadali, bagkus pinag-aaralan ng mabuti.
Ang tanong ko ay, paano ka makapagi-invest kung wala ka namang pondo? Ang pondo ay excess funds. Marami sa government agencies natin ang nagka-cut down pa nga ng budget dahil sa short sa pondo. Pinakamaganda siguro ay makabayad tayo muna ng utang. Iyan ang magandang investment.
Dahil sa ito ay naipasa na sa atas ng Pangulo, at napagdebatihan na sa mababang kapulangan at Senado, ay aasa na lamang ang taumbayan na sana ay magtagumpay ang panukalang ito.
Malaki man ang potential risk sa return of investment dahil wala itong garantiya, sabi ng ilang financial experts, ito ay parang sugal. Maaaring talo o panalo. At mayroon din namang mga bansa na may sovereign wealth fund na hindi rin nagtagumpay at nagkaroon pa ng korapsyon. Malabong isipin sa ngayon na ito ay magiging matagumpay dahil kapos tayo sa pondo.
Kailangan na makilatis natin kung sinu-sino ang mamamahala ng pondo nito sapagkat ang kailangan natin ngayon ay mga taong malinis ang track record at maaasahan.
Madaling tumingin ng magandang investments. Hindi sa bulsa. Kailangan na mataas din ang uri ng ating check and balance at accountability ng ating bansa, na previously ay napakahina.
Sa kabilang dako, nilinaw naman ni Sen. Grace Poe na ang MWF ay may "adequate safeguards" at hindi gagalawin umano ang pension money ng taumbayan.
Ano sa tingin n'yo? Napapanahon ba ang MWF na ito?





