Taliwas sa mga haka-haka at kantyaw sa social media, isinusulong ngayon ang planong pagsasaayos ng nasunog na Manila Central Post Office — isang indikasyon ngunit 'di konklusyon na mananatili roon ang makasaysayang gusali para sa talagang kaukulan nito.
Taong 1926 nang ipatayo ang neoclassical na gusali ng Manila Central Post Office sa halagang P1 milyon, na idinisenyo ng tanyag na arkitektong si Juan Arellano. Bahagi rin ng kasaysayan ng gusali ang arkitektong si Tomas Mapua. Ito ang naging sentro ng postal services sa bansa at naging tahanan ng Bureau of Posts, na ngayon ay Philippine Postal Corporation o PHLPost.
Napinsala ang gusali noong World War II sa Battle of Manila at kinailangang itayong muli noong 1946. Noong taong 2018 naman, idineklara ng National Museum ang gusali bilang isang Important Cultural Property. Ang mga idineklarang ICP ay maaaring makatanggap ng pondo mula sa gobyerno para sa pag-iingat, konserbasyon at restorasyon.
Linggo, Mayo 21, 11:41 ng gabi, nang magsimula ang halos walong oras na sunog sa Manila Central Post Office. Sa tindi ng sunog, idineklara ang General Alarm sa pag-apula ng apoy. Ayon sa mga awtoridad, 'totally burned' ang gusali at tinatayang nasa P300 milyon ang halaga ng pinsala.
Advertisement
Iba't ibang dokumento, sulat, at mga parcel ang nasunog, kasama na ang National IDs na pagmamay-ari ng mga taga-Maynila.
Sa ngayon, hahanap muna ng pansamantalang tanggapan ang PHLPost.
Ilang mga senador ang kaagad na nag-alok ng mga solusyon sa trahedyang sinapit ng makasaysayang gusali. Ayon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Sonny Angara, dapat nang makipagtulungan ang mga mambabatas sa Department of Budget and Management para humanap ng pondong gagamitin sa restorasyon ng Manila Central Post Office. Nagpahayag rin ng intensyong tumulong ang National Commission for Culture and the Arts.
Mungkahi ni House Deputy Speaker Ralph Recto, gamitin ang P13 bilyong Contingent Fund na kontrolado ni Pangulong Bongbong Marcos o di kaya'y ang Calamity Fund na may P19.03 bilyon pa sa pagsisimula ng taon. Pwede rin umanong magbigay ng donasyon ang malalaking kumpanya na mae-exempt sa buwis sa ilalim ng RA 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009.
Nanawagan naman ng imbestigasyon sa Senado ang ilang mga mambabatas sa layuning maiwasang maulit ang ganitong mga pangyayari na banta sa makasaysayang mga gusali sa bansa.
Para kay Sen. Robin Padilla, ang nangyaring sunog sa Manila Central Post Office ay dagok sa cultural heritage ng bansa.





