Si Coach Chot Reyes na yata ang isa sa may pinakamahirap na trabaho sa Pilipinas. Sa sobrang pagmamahal ng Pinoy sa basketbol, tuwing matatalo ang Gilas ay sa kaniya ang buhos ng sisi lalo na sa social media. Kaya naman maganda itong nangyaring pagkapanalo sa SEA Games. Kahit papaano'y tumaas muli ang morale ng bansa pagdating sa paboritong sport.
Pero para kay Coach Chot, panahon na para maglagay ng mas batang coach at developmental team sa SEA Games. 'Yan ang ipinaliwanag niya sa naging interview kasama sina Ali Sotto at Pat-P Daza sa ASPN.
"I think it's time for the younger generation, the younger coaches to get their shot. Yung SEA Games, this is really for developmental purposes. That's why I'm passing on the torch," pahayag niya.
Ayon sa 6-time PBA Coach of the Year, hindi na sana mga mas matandang professional players ang pinaglalaro sa mga torneong gaya ng SEA Games kundi yaong mga mas bata.
Maraming karanasang nakukuha sa paglalaro sa SEA Games ang tiyak na magagamit sa mas malalaking international competition tulad ng FIBA World Cup at Olympics. Isa na riyan ang pagiging handa sa 'playing conditions' pagdating sa venue ng torneo.
Matinding sakit ng ulo ang dinanas ng Gilas at ibang koponan na naglaro sa Cambodia. Sa tindi ng init sa venue, nakaranas ng heat exhaustion si Justin Brownlee na naging dahilan kaya naapektuhan ang laro nito. Ayon kay Coach Chot, wala ring aircon sa venue kahit pa maraming nanood doon. Mabigat rin sa pakiramdam ang init ng hangin na naranasan ng koponan. Idagdag pa ang kontrobersyal na linoleum flooring.
Ani Chot, di bale na sanang substandard lang ang problema, ngunit naging 'unsafe' ang kondisyon para sa mga manlalaro.
Minasama naman ng coach ng Cambodia na si Harry Savaya ang paglalahad ni Coach Chot ng mga dinanas nila sa kompetisyon. Humirit pa itong tuturuan raw niya ng pagko-coach si Reyes.
Advertisement
"Hindi ko nga alam ano'ng ibig niyang sabihin eh except ang naisip ko lang baka hallucinating pa siya mula sa pagkatalo niya. Natataranta pa siya, hindi siya makapaniwalang limang import na malalaki natalo eh. I don't know what he can teach me. Maybe he can teach me how to lose eh ayoko na 'yun sa kaniya na lang 'yun," reaksyon ni Coach Chot.
Ang pagpili ng susunod na coach ng Gilas Pilipinas sa SEA Games ay nasa desisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP.
Epektibo ang nakikitang solusyon ni Coach Chot at marahil ay sang-ayon rin dito ang sangkanayunan ng basketball fans sa bansa. Makabubuti para sa national team ang pagbuo ng solidong line-up ng Filipino players na gugugol ng sapat na panahon para magsanay at maging pamilyar sa sistema na ipatutupad ng mas bata ring coach.
Mabilis mag-evolve ang laro sa international stage. Mula sa nakasanayan noon na matiyagang opensa sa loob, marami sa mga koponan ang gumagamit na ng mas mabilis o 'fast-paced' na istilo ng paglalaro haluan pa ng volume three-point shooting na inaadopt na rin ng mga power forward at sentro.
Sabihin man ng iba na hindi para sa Pilipino ang larong basketbol, umaasa pa rin ang bansa na makakabalik ang Gilas sa mataas na ranking sa buong mundo. Nalasap na ng Gilas ang makatuntong sa FIBA World Cup kaya't hindi imposibleng maulit ito, sa ilalim lang ng tamang coach at tamang grupo ng mga manlalaro.
Link to ASPN Interview with Coach Chot Reyes:
https://www.youtube.com/watch?v=Yv1-8QJ98bA
Link to full episode:





