Makulay na makulay ang New York City ngayon dahil sa kampeonato ng Knicks sa NBA.
Ang pagkapanalo ng Knicks ay hindi lang tungkol sa isang basketball team, kundi tungkol din sa lungsod na kinakatawan ng koponan, ang New York, na pinakamatao, pinakamalaki, at nangunguna sa Amerika pagdating sa ekonomiya at mga oportunidad.
Tinutukan din ito ng mga basketball fans sa Pilipinas na sinasabing isa sa mga pinaka-"meaningful" at "watchable" na championship runs sa modernong kasaysayan ng liga.
Iyan ay dahil sa magagandang naratibo at mga aral na mapupulot sa naging karanasan ng naturang NBA team.
United fanbase
Laman ng balita at ng mismong coverage ng NBA ang fans ng Knicks na talaga namang multicultural at multisectoral. Mula sa mga kabilang sa mahihirap na komunidad, mga nasa working class, sa mga pulitiko hanggang sa mga pinakasikat na celebrities, buhay na buhay ang public spaces, maingay, at para bang may party kada laro, lalo na sa finals.
Ang ganitong pagkakaisa at enerhiya ay masasabing contagious. Sa panahon ngayon na laganap ang pagkakawatak-watak dahil sa pulitika, kultura, mga digmaan, at katayuan sa buhay, masarap makakita ng malalaking bilang ng mga taong pinagbubuklod ng isang layunin. Patunay na kayang pagbuklurin ng sports ang mga tao.
Giant slayer
Marami sa atin ang mahilig sa underdog story at kumakampi sa dehado kaysa sa llamado. David versus Goliath, ika nga. Kaya naman, kahit ang manonood ay hindi fan ng Knicks, mapapaabang din kung kaya bang talunin ng 6'2" captain ng Knicks na si Jalen Brunson ang 7'4" 'alien' sa galing na si Victor Wembanyama ng San Antonio Spurs.
Advertisement
Hindi man sila ang match-up pero maraming beses sa serye na nakaiskor si Brunson kay Wembanyama, at dinaig ito sa mga huling yugto ng laro para selyuhan ang panalo.
Team spirit
Pambihirang tagumpay ang inani ng Knicks sa kabila ng hindi pagiging isang superteam (pagsasama-sama ng mga superstar sa liga), kawalan ng supermax players (o mga manlalarong may nakakalulang kontrata), at super rookie (mga top pick sa draft o highly-anticipated na mga bagito sa NBA).
Binubuo sila ng mga manlalarong kahit kailan tawagin ng coach, handang sumabak sa giyera sa court. Mga manlalarong hindi lang puro opensa kundi nagpapakasipag sa depensa. Sa isang koponan na may nagkakaisang layunin na magtagumpay, importanteng ang bawat piyesa ay nakahanda.
Walang napakataas na ego. Walang ugaling superstar.
Lalaban hanggang sa dulo
Sa pagtatapos ng NBA Finals, hindi lang ang korona ang nasungkit ng New York Knicks; napukaw rin nila ang puso ng maraming basketball fans sa mundo sa isang kampeonatong punong-puno ng katatagan at inspirasyon.
Mantakin ba namang lahat ng panalo nila sa serye ay comeback wins, ibig sabihin ay nalamangan muna sila bago tyinagang habulin at ungusan ang kalaban. Pamilyar sa mga Pinoy dahil ganyan halos ang mga bida sa action movies.
Nananatiling mababa ang loob hanggang sa magkaroon ng pagkakataong makaahon mula sa pagkabagsak.



