Bago naging higante ang K-drama at Korean cinema sa industriya ng entertainment, ang Pilipinas ay nagkaroon ng mga golden age sa sining ng paggawa ng pelikula.
Bakit nga ba tila naungusan ang Pilipinas sa Asya samantalang ang gaganda ng kalidad ng pelikula noon? Ika nga ay tayo ang Korean movies noon at marahil ay may natutunan sila sa atin pagdating sa story, character development at sa industriya sa kabuuan.
Balikan natin ang istorya ng pelikula sa Pilipinas.
Noong dekada '50 ang unang ginintuang panahon ng Philippine cinema. Ang mga pangunahing production studio sa Pilipinas ay gumawa ng maraming masining na pelikula kung saan ang ilan ay umani ng pandaigdigang pagkilala. Isa sa pinakatanyag sa mga ito ay ang Genghis Khan (1952), ang unang Asian film na ipinalabas sa Venice at Cannes Film Festivals.
Sa puntong ito, ang industriya ng pelikula sa Pilipinas ay nag-average ng humigit-kumulang 350 pelikula bawat taon, na naglagay sa Pilipinas sa ikalawang puwesto kasunod ng Japan pagdating sa dami ng produksyon ng pelikula bawat taon sa Asya.
Noong 1960s, ipinakilala ang mga bago at iba't ibang genre ng pelikula para maakit ang mga lokal na manonood. Kabilang rito ang Western, musical, at action na mga pelikula.
Ang ikalawang golden age naman ng cinema sa Pilipinas ay naganap noong huling bahagi ng dekada '70 at noong dekada '80 nasaksihan ang naging rurok nito.
Hindi umaasa sa mamahaling special effects o pilit na viral marketing ang mga lumang pelikula. Ang puhunan noon ay solidong script at mga karakter na may lalim. Isang perpektong halimbawa ang obra maestra ni Lino Brocka na "Tinimbang Ka Ngunit Kulang" (1974). Sa pelikulang ito, may social commentary ang personal na kuwento ng mga tauhan. Hindi sila basta-basta binuo para lang magpatawa o magpaiyak; bawat karakter ay may malalim na motibasyon, epekto, at ambag sa takbo ng lipunan.
Maraming artista sa pelikula ang naging tanyag noong huling bahagi ng dekada 60 at dekada 70, kung kailan sumibol din ang maraming mahuhusay na direktor tulad nina Brocka, Emmanuel Borlaza, Sat Vallarino, Leo Juesan, at Leroy Salvador.
Kahit sa aspeto ng mga kontrabida, walang katulad ang husay noon. Si Eddie Garcia ay naitatak sa kasaysayan bilang mahusay na villain o kalaban ng bida sa pelikula. Ang kaniyang mga karakter ay hindi basta masama dahil lang sa script; mayroon silang charisma, bigat, at takot na kayang ipadama sa manonood. May tamang build-up ang kanilang karakter na nagpapatindi sa conflict ng pelikula.
Ngunit sa paglipas ng panahon, tila nag-iba ang ningning na ito. Bakit nga ba para sa iba ay mas magaganda ang mga pelikula noon kumpara sa karamihan ng mga palabas ngayon?
Dumami kasi ang mga pelikula na nagiging "formulaic" o paulit-ulit ang plot dahil sa takot ng mga producer na malugi. Ginagawa ang pelikula para sa mabilis na kita, hindi para sa sining.
Advertisement
Kung tutuusin, buhay naman ang sining sa mga film events lalo na sa mga ikinakategoryang independent kung saan patuloy na gumagawa ang mga direktor at manunulat ng mga pelikulang may lalim at kabuluhan ang kuwento.
Ngunit sa kabila ng rami ng magagaling, bakit tila patak-patak pa rin ang kalidad na pelikula na nakararating sa masa?
Dahil ang mga quality films na ito ay madalas na kulang sa pondo para sa malawakang distribusyon, at bago pa man makilala ng publiko, ay agad nang tinatanggal sa mga sinehan para bigyang-daan ang mga dayuhang blockbuster.
Dito pumasok ang malaking pagkakaiba natin sa South Korea. Habang ang industriya sa Pilipinas ay apektado ng matataas na amusement tax at kakulangan ng proteksyon para sa mga lokal na filmmaker, ang gobyerno ng Korea ay kumilos nang kaibayo. Noong dekada '90, sadyang nagpatupad ang kanilang pamahalaan ng mga batas at subsidiya para protektahan at pondohan ang kanilang sining, isang strategic na hakbang na nagbunga sa kilalang Hallyu wave.
Sa madaling salita, naungusan tayo hindi dahil sa kakulangan ng utak, kundi dahil ang sining sa Korea ay binigyan ng mas mataas na pagpapahalaga.
Throwback sa mga classic
Noong araw, kahit ang mga komedya ay may sariling tatak ng talino at eksperimento.
Isang halimbawa ay si Julie Del Mar, na mas kilala sa kaniyang bansag na “Piling,” isang aktor at komedyante. Gumanap siya sa mga maliliit at nakatatawang bit-role sa pelikula noong dekada '80 at '90. Madalas siyang maalala kasabay ng iba pang tanyag na bit-actor sa horror-comedy tulad ni Palito.
Naalala ng mga Pinoy si Piling sa mga social media groups na nakatutok sa nostalgia ng batang '80s at '90s. Madalas mag-post ang mga mahihilig sa pelikula ng mga clip ng kanilang mga eksena. Inalala nila ang kanyang kakaibang physical comedy, ang kakayahan niyang magpatawa nang walang gaanong linya, at ang kanyang husay sa pagganap sa sineng Pinoy.
Siya at ang maraming mga komedyante noon ang nagbibigay ng kulay at "organic" na timpla sa bawat eksena, bagay na madalas mawala ngayon dahil sa pilit na pagsalang ng mga artistang sikat lang sa social media.
Napatunayan na natin noon na kaya nating manguna sa Asya gamit ang purong galing sa pagkukuwento.
Ang hamon ngayon ay ang pagbabalik sa ugat ng totoong sining: ang pagpapahalaga sa makabuluhang script, pag-iwas sa mabilisang formula, at pagbuhay muli sa mga karakter na hinding-hindi malilimutan ng mga Pilipino.
Hangga't patuloy na tinatangkilik ang mababaw na content kapalit ng mabilis na aliw, at hangga't kaunti ang sumusubok ng mga kuwentong may lalim dahil sa takot na malugi, mananatili tayong nakakulong sa paulit-ulit na formula.
Sources: 72 Dragons Media, San Diego Filipino Cinema



