Tumataas ang kaso ng school violence at bullying sa Pilipinas.
Batay yan sa mga statistics na inilabas ng mga organisasyon gaya ng Coalition for Good Schools (CGS) gayundin ng 2nd Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Hindi pangkaraniwang nababalitaan sa Pilipinas ang pinsalang dulot ng physical violence at campus shooting, ngunit sa mga nakaraang araw, sunod-sunod ang mga balitang ganito na nagresulta sa pagkamatay ng ilang mag-aaral.
Noon lamang nakaraang linggo, dalawang insidente ng knife attack ang naiulat sa loob ng eskwelahan sa Cavite.
Noong June 15, pitong Grade 5 pupils sa Bethel Academy sa Gen. Trias, Cavite ang walang habas na pinagsasaksak ng isang Grade 8 student sa loob ng classroom.
Sinundan ito ng isa pang kaso ng pananaksak ng isang 18-year old senior high school student sa Cavite National High School sa Cavite City noong June 19.
Nito lamang Lunes, June 22, nabalita ang violent school shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte.
Tatlong buhay ng kabataan ang nasayang sa nasabing pamamaril – dalawang babae at isang lalaki na ang edad ay mula 16 at 17 anyos.
Bukod sa tatlong namatay, 13 iba pa ang sugatan sa pamamaril ng dalawa ring mag-aaral – isang katorse anyos na kinilala sa tawag na “Nash” at ang kinse-anyos na tinawag sa pangalang “Rod”.
Ang insidente ang itinuturing na deadliest school shooting incident sa Visayas region, kung hindi man sa buong bansa.
Bago pa man ang Tacloban school shooting, naobserbahan na ng mga awtoridad ang pagtaas sa insidente ng school violence na inuugnay sa extremism.
Noong Oktubre 2025 sa Marikina City, kinuha ng isang mag-aaral ang lisensyadong baril ng kaniyang ama, dinala sa eskwelahan at itinutok sa isang kaklase bago itinutok sa kaniyang sarili na aksidente namang naiputok habang nagbibiro, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Noon namang February 2026 sa Batangas, binitbit ng isang estudyante ang isang caliber .45 handgun sa eskwelahan, dalawang ulit na ipinutok sa sahig bago binaril ang sarili.
Napigilan naman ng awtoridad ang plano ng pitong estudyante sa CALABARZON nitong March 15, 2026 para atakehin ang isang paaralan.
Isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya sa Tacloban shooting ang sinasabing pambu-bully na naranasan ng isa sa suspect, ngunit ito ay patuloy pa ring bine-verify ng mga awtoridad.
Sa tala ng CGS, 1 sa 3 mag-aaral ay nakararanas ng bullying sa eskwela – patunay na nananatiling malawak ang peer victimization at bullying sa mga paaralan.
Advertisement
Sa ulat pa ng CGS, madalas na mai-ranggo ang Pilipinas na kabilang sa nangunguna sa Global Youth Bullying Assessments.
Sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA) consistent na nasa higit 35% hanggang 43% ng mga Filipino learners ang nakararanas ng madalas na bullying.
Pero ano-ano nga ba ang mga uri ng bullying na nararanasan ng mga mag-aaral sa eskwelahan at ano ang epekto nito sa kanila?
Kabilang sa tinukoy ng Walden University na nasa Minneapolis, Minnesota ang mga sumusunod:
- Physical bullying – pag-atake gaya ng panunulak, paninipa, panununtok, pagkuha at paninira sa gamit ng isang estudyante o grupo.
- Verbal bullying – pang-iinsulto, pagbabanta at pambubuska.
- Relational bullying – mas kilala rin bilang social bullying. Halimbawa nito ay ang pagpapakalat ng tsismis para sirain ang reputasyon, sadyang pambabalewala sa isang indibidwal, at pagpapanggap na kaibigan
- Cyberbullying – paggamit ng text, social media, o electronic mail para sadyang gumawa ng masama sa isang mag-aaral
May negatibong epekto ang bullying sa gumagawa nito, sa biktima nito at sa mga taong nagmamasid lamang.
Ang mag-aaral na bully ay maaaring nakararanas siya ng substance use disorder habang nagkaka-edad at may mga isyung maaaring harapin gaya ng karahasan at criminal behavior sa kaniyang pagtanda.
Ang mga biktima naman ay madalas mag-absent sa eskwela, kaya’t pati ang kanilang pag-aaral ay apektado. Maaari ring makaranas ng desperasyon at pangungulila, gayundin ng depression at anxiety, na maaaring magresulta sa mas mataas na posibilidad ng suicide ideation at suicide attempts.
Sa mga estudyanteng nagmamasid, maaari naman siyang makaranas din ng emotional distress at substance use disorder habang nagaganap ang bullying. Sa pag-aaral, mas nakararanas pa umano ng higit na negative impacts ang mga bystanders kaysa sa mga biktima.
Isa sa tinitingnang impluwensya sa mga school violence ang mga napapanood at nakikita ng mga estudyante sa social media.
Kaya naman mahalaga na bilang mga magulang, maging mapagbantay at mapagmatiyag tayo sa mga sites na pinupuntahan ng ating mga anak.
Nakakalungkot na sa mga eskwelahan na dapat magsilbing ligtas na lugar sa mga anak, bukod sa mga tahanan, ay doon pa nagaganap ang mga walang kapararakang karahasan.
Nasaan na ang salitang iniwan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan?”




