Isang malaking trahedya ang gumimbal sa bansa nitong Lunes ng umaga, Hunyo 22, matapos ang isang insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City. Tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang sugatan.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumutang ang posibleng kinalaman ng larong GoreBox.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP Regional Office Eastern Visayas (PRO 8), ang isa sa mga suspek, na isang 14-anyos na Grade 9 student, ay napag-alamang masugid na manlalaro ng GoreBox bago mangyari ang krimen.
Ano ang larong GoreBox at paano nakaapekto ang virtual world sa ikinilos at marahas na aksyon ng isa sa mga suspek?
Ang GoreBox ay isang "sandbox" video game na, bagama't mukhang simpleng laro para sa mga bata, ay may R18+ na rating dahil sa labis na karahasan. Sa larong ito, binibigyan ang mga manlalaro ng malawak na kalayaan na gumamit ng iba't ibang uri ng baril at pampasabog.
Ganito ang pang-akit na description ng laro sa Google Play:
"GoreBox is a chaotic, physics-driven sandbox game where creativity meets unrestrained destruction. Unleash your wildest ideas in an environment that puts ultimate power in your hands. Step into a world where the Reality Crusher lets you spawn, manipulate, and obliterate anything you desire."
Tulad ng maraming open-ended sandbox game, ito ay walang permanenteng storyline, dahil umaasa ito sa isang open-world na style ng laro na nagpapahintulot sa mga manlalaro na gumawa, sumira, at magmanipula ng mga kapaligiran, pati na rin magpalabas at magwasak ng mga bagay o karakter, gamit ang mga baril, pampasabog, at iba pang kaugnay na elemento sa loob ng laro.
May pagkakataong napagkakamalan ang GoreBox bilang sikat na larong Roblox dahil sa magkahawig nilang "blocky" o pixelated na graphics at malawak na kalayaan sa paggawa ng sariling virtual world.
Subalit, magkaibang-magkaiba ang dalawa. Habang ang Roblox ay isang malawak na platform na may mahigpit na moderation at naglalaman ng mga pambata, pang-edukasyon, at sports na laro, ang GoreBox naman ay sadyang idinisenyo para sa "unrestricted gameplay."
Advertisement
Sa GoreBox, ang matinding karahasan, pag-agos ng dugo, at pagkasira ay hindi lamang aksidenteng bahagi ng laro, kundi ito mismo ang pangunahing attraction.
Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng epekto ng larong ito sa pag-iisip ng bata.
Dahil sa panganib na dulot nito, opisyal nang nagpatupad ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng pansamantalang ban o pag-block sa larong GoreBox sa buong Pilipinas bilang pag-iingat habang nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon.
Sabi nga, "it takes a village to raise a child."
Pangunahin ang mga magulang, may parte ang eskwela, ang komunidad, ang gobyerno, at sa panahon natin, ang mga digital platform.
Bagaman maaaring isang factor sa insidenteng ito ang bayolenteng laro, hindi ito dapat tingnan sa ganitong aspeto lamang.
Oo, kinakailangan ang mas mahigpit na age verification sa mga digital platform upang maiwasan ang access ng mga menor de edad sa mga marahas na laro, subalit ang insidente ay nagpakita rin ng malubhang kapabayaan sa pag-iingat ng totoong baril.
Malaking tanong kung bakit may totoong baril na madaling nakuha at nahawakan ng isang bata.
Kung naging responsable lang ang may-ari sa pagtatago ng kaniyang armas, ang kaalaman ng suspek mula sa virtual na mundo ay hindi sana naging instrumento ng pagpatay sa totoong buhay.
May anggulo ring higit isang buwan na itong pinagpaplanuhan ng mga bata. Ibig sabihin, may mahabang panahon na maaaring may kakaiba na silang kinikilos, ngunit walang nakapansin ng red flags.
Dito pumapasok ang usapin ng mental health awareness at posibleng intervention ng mga paaralan.
Ngayong may nangyari, nagkukumahog ang mga eskwela sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad.
Magbunsod sana ito ng mas maigting na collaborative effort ng mga law enforcement agency sa pagbabantay sa mga pampublikong espasyo at pagsugpo ng kriminalidad.
Sa loob ng tahanan, ang komunikasyon, pagsubaybay, at gabay ng mga magulang ay lalong mahalaga upang hindi lamunin ng digital world ang mga kabataan.
Huwag na sanang masundan pa ang nangyari sa Tacloban.



