Nasa ikawalang linggo na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Unang isinalang sa paglilitis ang isyu ng grave threats o pang-apat sa Articles of Impeachment na isinampa ng Kamara.
Nag-ugat ito sa sinasabing banta ni VP Sara sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sa online briefing noong madaling-araw ng November 23, 2024.
Tumestigo sa pagdinig ang dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation na nagsagawa ng imbestigasyon. Sa kaniyang testimonya, sinabi ni Atty. Jeremy Lotoc, Regional Director ng NBI-BARMM at dating hepe ng NBI Cybercrime Division, na “serious, actual, and real threat” ang mga binitawang pahayag ni VP Sara.
Sa rekomendasyon ng NBI, mayroon umanong “solid, objective, at prima facie evidence” para ipursige ang reklamo laban sa Bise Presidente.
Pero sa cross examination ng depensa, inamin ni Lotoc na wala siyang direkta at personal na kaalaman kung mayroon ngang kinontrata o inupahang assassin si VP Sara.
Gayunman, nanindigan itong ang mga nakalap na cyber at investigative evidence ng NBI ay direktang nag-uugnay sa Bise Presidente sa kill plot.
Sa paglilitis, sinabi ng defense panel na nagawa lamang ni VP Sara ang mga pahayag bilang tugon sa naging tanong sa kaniya. Itinanggi rin ng depensa na may kinausap ngang hitman ang Bise Presidente para isakatuparan ang alegasyon.
Advertisement
Kung tutuusin, malinaw naman ang naging pahayag ni VP Sara sa sinasabing kill plot laban kay PBBM. Mangyayari ang utos kung may masamang mangyayari sa kaniya. Sa madaling salita, hindi maisasakatuparan ang sinasabing kill plot kung wala namang mangyayaring masama sa Bise Presidente.
Hindi rin naging kumpleto ang imbestigasyon ng NBI. Sa paanong paraan? Itinuon lamang nito ang imbestigasyon sa sinasabing banta sa Pangulo, sa Unang Ginang at sa dating Speaker.
Pero paano naman ng banta sa buhay ni VP Sara? Sinabi ng NBI na wala silang ginawang imbestigasyon sa banta sa buhay ng Pangalawang Pangulo dahil hindi naman tumugon si VP Sara sa imbestigasyon ng NBI para alamin ang isyu.
Wala ring ginawa ang NBI para puntahan ang Bise Presidente at ipatawag ang vlogger na nagtanong sa usapin ng ‘Oplan Romanov’ o tangka sa seguridad ng pamilya Duterte.
Sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code, ang grave threats ay isang kasong kriminal. Sakali mang totoo ang sinasabing banta ni VP Sara sa Pangulo, asawa at kaanak nito, maituturing bang impeachable offense ang grave threats?
Pasok ba ito sa impeachable offense na betrayal of public trust or other high crimes? Ang grave threats ba o pagbabanta ay maituturing na high crime?
Ang penalty sa mapapatunayang nagkasala ng Grave Threats ay “the penalty of aresto mayor (imprisonment of 1 month and 1 day to 6months) and a fine not exceeding one hudred thousand pesos (100,000), if the threat shall not have been made subject to a condition.
At kung may matibay na ebidensya ang NBI, bakit hanggang ngayon ay wala pa ring naisasampang kaso sa korte laban kay VP Sara?



