Nilinaw ng dating Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) auditor na si Atty. Roderick Wamil na hindi kasama sa pagsusuri ng ahensya ang pagberipika kung tunay o alyas ang mga pangalang nakalagay sa acknowledgment receipts ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng impeachment court, ipinaliwanag niyang compliance audit lamang ang isinasagawa ng COA batay sa Joint Circular 2015-01 at wala itong probisyon tungkol sa paggamit ng mga alyas.
Ayon kay Wamil, tinitingnan lamang ng COA kung kumpleto ang mga dokumento at kung tugma ang mga detalye, kabilang ang mga ginastos, petsa ng pagbabayad, at halagang inilabas.

