Hindi gugulong kung may mga kalso.
Paano nga ba kung ang mismong makinarya ng hustisya at katotohanan ang sinasadya at pilit na kinakalsuhan ng mga nasa kapangyarihan?
Nakadidismayang ang isang opisyal na may tungkuling ipatupad ang batas at pangalagaan ang katarungan ang tila naging mitsa ng pagkaantala nito. Sa halip na suportahan ang isang mambabatas na buong-tapang na naghahanap ng katotohanan ukol sa bilyon-bilyong pondo ng bayan na napunta umano sa flood control, tila mas pinili pa nitong gipitin at targetin ang naghahanap ng sagot.
Bakit ang pumupuna ang pinarurusahan? Bakit ang nagtatanong para sa kapakanan ng mamamayan ang gustong patahimikin?
Ang pagtataguyod sa katotohanan ay hindi krimen—ito ay tungkulin. Ang pag-alam kung saan napunta ang bawat piso na dapat sana’y nagliligtas sa ating mga komunidad mula sa baha ay karapatan ng bawat Pilipino. Ang harangin ang mambabatas na gumagawa lamang ng kanyang trabaho ay isang direktang insulto sa sambayanan.
Imbes na gumulong ang imbestigasyon, kinakalsuhan pa ang mga nagtataguyod ng katotohanan.
Advertisement
Babaha lang uli ng tubig-ulan, pero mapapanagot ba ang mga nangupit sa taumbayan?
Madaling magpalitan ng mga teknikalidad sa loob ng mga opisinang malamig at ligtas sa baha. Ngunit subukan nilang itanong sa mga pamilyang nagpupuyat sa ibabaw ng bubong tuwing may bagyo kung luho ba ang maghanap ng katotohanan.
Kaya't ang tunay na kalso ay hindi dapat ang panggigipit. Ang kalso ay ang boses ng taumbayan. Ito ang boses ng milyun-milyong Pilipinong pagod na sa baha, pagod na sa paulit-ulit na pangako, at pagod na sa korapsyon.
Ang boses na ito ang magsisilbing kalso na haharang sa tangkang pagtakas ng mga mapagsamantala.
Hindi papayag ang mamamayan na pigilan ang pagpapanagot sa dapat managot.
Kung patuloy nilang kalsuhan ang hustisya, asahan nila ang pagbawi ng bayan.
Sa huli, uulan ng kalso mula sa bawat sulok ng bansa, mula sa bawat mamamayang gising at titiyakin nitong walang makatatakas sa mga nagpapagulong ng katiwalian.



