Walang malakas na ulan at malaking baha sa linggong ito. Kaya siguro ang iba, kalmado lang at abala sa pagbatikos sa mga nagtataguyod ng hustisya at pananagutan.
Pero sa sandaling umulan, bumaha sa mga pangunahing lansangan, ma-stuck ang gulong ng sasakyan o mabasa ang uniporme, muling magwawala sa galit ang taumbayan sa social media.
Nakadidismaya ang realidad. Habang ang mga ordinaryong mamamayan ay nag-aaway kung sino ang dapat sisihin o kung sino ang "masyadong mareklamo," ang mga tunay na mastermind ng krisis na ito, ang mga korap na opisyal at kontratista, ay komportableng nakaupo sa kanilang mga tuyo at air-conditioned na mansyon, binibilang ang bilyun-bilyong pera na sana ay nagligtas sa atin.
Bakit imbes na makiisa sa mga panawagan, mas pinipili ng marami na atakihin ang isang minorya? May mga gumagamit pa ng terminong ad hominem at mga slur para usigin ang mga taong kapwa mamamayan din naman.
Ang ganitong uri ng bangayan ay isang mabisang "smoke screen". Habang abala ang taumbayan sa pag-atake sa isa’t isa, nalilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu: ang sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Advertisement
Tila hanggang ngayon ay epektibo pa rin ang divide and conquer sa Pilipinas. Sa tuwing nagbabangayan ang mga Pilipino, nababawasan ang lakas ng kolektibong boses na dapat sana ay nagkakaisa sa paghingi ng hustisya. Ang energy at effort na dapat sana ay ginagamit natin para sa malalim na imbestigasyon at pagpapanagot sa mga mastermind ng flood control scandal ay nauubos lamang sa walang kuwentang palitan ng komento at personal na insulto sa internet.
Habang binabatikos ng kapwa-Pilipino ang mga Pilipinong nananawagan ng katotohanan at katarungan, malamang ay tumatawa lang ngayon ang mga mastermind ng korapsyon habang pinapanood ang mga ninakawan nila.
Samantala, ang mga mastermind ng anomalya ay ligtas. Hindi ba’t isang malaking kabalintunaan ito?
Panahon na para ituro natin ang ating mga daliri sa mga tunay na may sala, at hindi sa kapwa natin Pilipino. Huwag nating hayaan na ang huling halakhak ay mapunta sa mga taong nagnakaw habang tayo ay abalang nalulunod sa sarili nating baha ng opinyon.



