Meron ba talagang rice crisis sa bansa?
Ako, bilang rice consumer at namimili nito sa palengke o sa supermarket, ay hindi naman nakakakita na may rice shortage. Price increase, meron. At talagang sumipa ang presyo ng bigas nitong mga nakaraang linggo. May mga hoarder’s daw, mga price manipulators, etc.
Kamakailan lamang ay ilang malalaking imbakan ng bigas ang nakitaan na punong-puno ng bigas. Samakatuwid, hindi masasabing may shortage ng bigas. Ito ba ay sadyang tinatago at ire-release lamang kapag mahal na ang presyo ng bigas?
Walang katunayan.
Ang nakita kong katunayan ay mga opisyales ng gobyerno na nag-inspeksyon at pagkatapos ay nagpicture-taking sa harap ng mga saku-sakong bigas from floor to ceiling.
Kung mayroong mga hoarders ay dapat meron na sa ngayon na listahan ng mga dapat managot o mga nahuli na. Sa pagkakaalam ko ay talagang bawal ang pagho-hoard o pagtatago ng bigas at ang parusa rito ng batas ay reclusion perpetua o 20 years na pagkakakulong. Subalit, kahit kailan naman—at kahit pa sabihing may rice crisis o alarming price increases—ay wala namang nakukulong na mga salarin.
Ngayong buwan ng Setyembre ang tinatawag na anihan ng bigas. At tuwing anihan ay bumababa ang presyo ng bigas. Subalit kamakailan lamang ay nag-issue ang pangulo ng EO-9 o price ceiling na P41–45 na dapat halaga ng bigas.
Umalma ang mga rice retailers o mga nagtitingi dahil malulugi raw sila. Paano itong nabili nila ng P48 per kilo, ibaba nila ang presyo nito dahil sa price ceiling? Magsasara na lamang daw sila.
Advertisement
Noong isang araw, may natanong ako kung bakit mahal ang bigas. No idea, sagot sa akin. Subalit ipinakita niya ang litrato na darating na bigas sa kanila na NFA na ang halaga ay P41–45. Yung P41 ay pangit raw, at yung P45 naman ay bahagyang maputi raw.
Papaano iyong magagandang bigas o yung mga well-milled rice na tumaas ng P50 pataas? "Lugi kami kung ibaba dahil mataas ang bili namin dyan," sagot niya.
Sumagot ang gobyerno na ang mga rice retailers na ito ay bibigyan ng tulong na P15,000 upang hindi naman sila malugi.
Paano naman ang mga rice farmers, na siyang pinakamaliit ang kita? May ayuda rin kaya? Wala akong balita. Kung may ayuda ang mga retailers, saan pupunta ang kanilang pera? E di sa mga rice sellers na pinaka big-time ang kita.
Bilang isang agricultural country, hindi na dapat tayo palagiang nagi-import ng mga agricultural products tulad ng bigas, sibuyas at asukal. Ito ang dahilan kung bakit nasabi ng Pangulo noong buwan ng Mayo na ipatutupad niya ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), "which was seen to prioritize the welfare of farmers and boost rice production." Maganda.
Kung noong 2018, ang average price ng rice ay P46 per kilo ngunit napababa naman sa P39 per kilo, magagawa rin kaya ito sa panahon ngayon?
Matatandaan na noong nakaraang taon ng hawakan ng Pangulong Bongbong Marcos ang Department of Agriculture ay ipinangako niya na ibababa niya sa P20 per kilo ang bigas. Sa tingin nyo mangyayari kaya ito?





