Ilang linggo na ang nakaraan nang tumambad sa atin ang mga balita na nagbigay ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr ng direktiba na hulihin ang nga nasa likod ng pagtaas ng mga bigas sa merkado ng ating bansa.
Tama lang, sapagkat biglang nagtaasan ang kilay ng mga mamimili sa lubhang napakataas na presyo ng bigas sa pamilihan.
Aba, noong Agosto ang binibili kong well-milled rice na ang halaga ay P44 ay biglang tumaas at umabot hanggang P55 per kilo sa loob lamang ng wala pang isang linggo.
Mayroon pa akong isang klase ng bigas na binibili na tinatawag na healthy rice (slightly brown) na halagang P50 na sumipa sa P85 per kilo sa supermarket, at P60 sa palengke.
Nakakagulat talaga, kaya mabuti naman at ang ating Pangulo ay umaksyon laban sa nakababahalang pagtaas ng presyo ng bigas.
Kasunod nito ay mabilis naman kumilos ang Bureau of Customs at ni-raid nila ang apat na naglalakihang mga warehouses sa Balagtas at Bocaue, Bulacan. Kasama ng raiding team si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Erwin Tulfo, at ilan pang mga mambabatas.
Natagpuan nila rito ang tinatayang P519 million na halaga ng imported rice pati na ang local palay. Ang mga natuklasang mga warehouses ay ang mga sumusunod:
*Gold Rush Ricemill/ Warehouse, San Juan, Balagtas, Bulacan
*JJS Rice Mill/ Warehouse, Wakas, Bocaue, Bulacan
*Gold Rush Rice Mill 2, Wakas, Bocaue, Bulacan
*Isang nasa loob ng Intercity Industrial Complex sa San Juan, Balagtas, Bulacan.
Ipinakita ng vlogger na si Maharlika sa kaniyang video ang ginawa niyang paghanap sa website ng Bureau of Plant Industry ng mga ni-raid na warehouse at natuklasan niyang ni isa ay wala sa listahan ng malalaki at lisensyadong bodega ng bigas sa bansa.
Kung gayon anya ay bogus pala o kolorum ang mga warehouses na ito na ginagamit na imbakan ng bigas. Natural lamang, sapagkat gagamit ba ng legal warehouses ang mga hoarders at smugglers na iligal ang gawain?
Kapag may ginagawang raid ay usually may nagbibigay ng tip kung saang warehouses makikita ang mga tinatagong bigas. Ang pinagtataka ko ay paano ka naman kikilos kung walang nag-tip?
Advertisement
Walang nabanggit ang raiding team na source na nag-trigger sa kanila na mag-raid sa nasabing lugar.
At dapat may nahuli agad, sapagkat surprise raid ito, o surprise rice inspection, sabi nga nila.
Bakit wala? At picture-taking lang ang nangyari na ipinapakita ang mga sandamakmak na itinagong bigas.
Dahil natuklasan ang mga warehouses na ito, sana ay nalaman kaagad nila kung sino ang mga nagmamay-ari nito upang maimbestigahan kung sino ang nagpapasok ng mga bigas na ito.
Sinabi ni House Speaker Romualdez sa mga taga media na sumaksi sa raid na hindi palalagpasin ng gobyerno kung sinoman ang mga may pakana nito at nagmamanipula ng presyo ng bigas.
Kailangan silang makulong sapagkat nagpapahirap sila sa taong bayan. Ito ay isang economic sabotage at non-bailable na krimen ito. Binibigyan sila ng 15 araw upang ipaliwanag kung paano nila nakuha ang mga bigas na ito o sila ba ay nagbayad ng karampatang buwis ukol dito kung ito man ay kanilang inimport.
Kukumpiskahin daw ang mga bigas na ito at ipinayo niya sa DA na ipagbili ang mga ito sa napakamurang halaga sa merkado. Ayos, kung ganito ang mangyayari. Tiyak na bababa ang presyo ng bigas at maaari pang pagkaguluhan ito sa merkado kung mabibili sa presyong P20 per kilo na lamang o kahit na sabihing P30 per kilo.
Subalit, sa ngayon, sa nakikita ko ay mataas pa rin ang mga presyo ng bigas. Ang ipinagutos ng Pangulo na price ceiling na P41–45 ay nagsimula nang ipatupad.
Pinakamabili ay ang P45 per kilo, ayon sa aking binibilhan. Medyo durog ito pero ito ay mas maganda kesa sa P41 na pinakamura sa lahat. Ang mga imported rice na galing sa Vietnam at Thailand tulad ng Pandan, Jasmin at iba pang primera klaseng well-milled rice ay nananatiling nasa P50 pataas ang presyo.
Ang nasabing inilaan na P2 billion na itutulong para sa mga retailers sa buong bansa (P15,000 kada retailer) ay nagsimula nang ipinamahagi sa Navotas, Quezon City, Caloocan at San Juan, Metro Manila.
May mga retailers na nagsabing nalugi sila at dahan-dahan silang namimili sapagkat medyo mataas pa rin ang presyo ng bigas.
Ang iba naman ay nagpapasalamat sa Pangulo sa tulong na ito dahil sa kanilang effort na ibaba ang presyo ng bigas.





