Madalas na nating nababasa o naririnig ang AI (Artificial Intelligence) at ang mga usapin at pangamba sa social media na maaaring agawin na ng AI ang trabaho ng maraming tao.
Ano ba ang AI? Ang AI ay maraming pinaggagamitan. Ito ay isang intelihente o matalinong machine o computer system na ginagaya ang talino ng tao. Parang robot. Isang teklonohiyang ginagamit para mapadali ang paggawa ng tao.
Ito ay ginagamit sa maraming bagay— sa pakikipag-chat sa tao, sa pagri-research, customer service, language translation, pag-compute, analyze, makasulat ng essay o aklat, gumawa ng music, ng script, makabasa ng larawan, at napakarami pang iba.
Ang mga kilalang nakikipag-usap na AI ay sina Siri ng iOS, si Alexa ng Amazon, o si Google. Sasabihin mo lang sa iPhone mo: “Siri! What is the weather today?” Sasagot na ito, kaya’t hindi mo na kailangan pang i-Google o tumingin sa weather app.
Ang AI ay kumukuha o nag-iipon ng mga impormasyon upang lumawak ang kaalaman nito, mas accurate ang bibibigay nitong impormasyon, at para mas madali itong makipag-usap sa tao at mas makatulong sa mga inuutos ng tao.
KUKUNIN ANG TRABAHO
May ilan nang mga kumpanya ang nagtatanggal ng tao para gumamit ng AI, dahil mas mura ito kaysa sa pagpapasahod sa tao.
Totoo, nakakalungkot.
Mga “creatives” ang nadadali dito. Mga writer, graphic artist, voice actors, at sportscasters pa nga.
Advertisement
Ang Hollywood ay may malaking problema ngayon. Nagpo-protesta ang mga aktor laban sa mga malalaking movie studios dahil sa gusto ng mga ito na makakuha ng mukha ng mga artista, at ilapat sa AI, at gagamitin na sa mga pelikula habang buhay: pwede nang pabatain, patandain, atbp.
May mga writers na nawawalan na rin ng trabaho dahil kaya na ng AI na magsulat ng mga artikulo.
WALANG KALULUWA
Literal na walang kaluluwa ang AI, syempre. Pero ang output nito, wala rin. Soulless. Minsan, tinesting ko ang kilalang AI chatbox, ang ChatGPT, at inutusan kong magsulat ng essay tungkol sa isang random topic. Ang output nito ay mala-robot. Hindi masarap basahin.
Kulang sa soul at charm. Masyadong cold at generic.
Kahit mga larawan na kuha ng AI, mukhang fake. Marami nang smartphones na ang camera ay AI-powered, para mas “maganda" ang kuha. Pero ramdam mo na fake pa rin talaga. Oo, malinaw, malapitan, pero hindi na totoo.
AGE OF AI
Nasa era na tayo ng AI. Napakalaki rin ang tulong nito. Kaya nitong makatapos ng tasks ng mas mabilis kaysa sa tao. Lalo na kung ang pinag-uusapan ay napakalaki o napakaraming numero o data, kaya nitong trabahuhin ng mabilis.
Ginagamit ng mga kumpanya ang AI technology para sa maraming bagay. Ang Google search engine mismo ay may AI technology.
Pero, malaki man ang tulong ng AI, namamalagi pa rin na ito ay nakakapagpataas ng unemployment rate.
Kayo, nangangamba ba kayo sa AI?





