Nagkalat sa social media ang memes tungkol sa mala-Avengers na pag-assemble ng mga manlalarong gustong sumabak para sa Team USA sa 2024 Paris Olympics. Mismong household names sa NBA kasi ang nagpahayag na gusto nilang maglaro para sa national team. Nariyan sina LeBron James, Kevin Durant, Steph Curry, Kawhi Leonard at ang pinakahuli, ang reigning MVP na si Joel Embiid.
May halong kontrobersiya ang desisyon ni Embiid. Eligible rin kasi siyang maglaro para sa Cameroon at France subalit pinili nito ang Estados Unidos.
Isa si Embiid sa mga tanyag na NBA players na nagpahayag ng interes na maglaro sa Team USA. Bagaman napanalunan ng naturang bansa ang gintong medalya sa huling apat na Olympics, tila may gusto pa rin silang patunayan sa mundo ng basketball.
Matatandaang napahiya ang Team USA sa FIBA World Cup nitong Agosto na ginanap sa Pilipinas. Natalo na nga sa Germany sa semis, natalo pa sa Canada sa bronze medal game. Umuwing walang medalya ang Team USA na ikinadismaya ng marami.
Advertisement
Umugong lalo ang usap-usapan na mas malakas na ang international teams kumpara sa Team USA. Lalong nagliyab ang debate nang kwestiyunin ni U.S. sprinter Noah Lyles kung bakit tinatawag na 'world champions' ang mga kampeon sa NBA.
Ito ang tinitingnang pangunahing motibasyon nina James, Durant, Curry, at iba pa para hayagang magpakita ng paghahangad na maglaro para sa national team.
Sa ngayon ay nagpahayag na rin ng interes sina Kyrie Irving, Devin Booker, Kawhi Leonard, Draymond Green, at Bam Adebayo.
Anuman ang maging desisyon ng mga awtoridad sa bubuuing line-up, siguradong napakalakas na resbak ang ipapadala ng Estados Unidos.
Makuha kaya nila ang ika-limang sunod na gintong medalya sa Olympics?





