Noong nakaraang Sabado ay ginimbal tayo ng balita na inatake ng Hamas ang Israel. Ang Hamas ay isang Islamic resistance movement na tinaguriang terorista ng America at European Union. Sila ang namumuno sa Gaza Strip, na isang lugar sa Middle East na nasa baybaying silangan ng Mediterranean Sea at napapagitan ng Ehipto at Israel.
Doble ang laki nito sa Washington DC sa America at may populasyon na 2.5 million, na karamihan ay mamamayang Palestino, aktibistang Palestino, refugees mula sa Israel at nasa minorya naman ang Palestinong Cristiano.
Ang nangyari ay nagpaulan ang Hamas ng mahigit 3,000 rocket missiles mula sa Gaza na ikinasawi ng 1,200 katao sa Israel, 2,000 sugatan at mayroon pang 150 na dinukot ng Hamas ground troops.
Napaulat na 22 Amerikano ang napatay, at 3 Pilipino. Ayon sa ating Department of Foreign Affairs, may 30,000 OFWs ang nasa Israel at 137 naman ang nakatira sa Gaza.
Umabot na sa ngayon sa 70 Filipino na nasa Gaza ang humiling na sa pamahalaan natin na tulungan silang makauwi.
SURPRISE ATTACK
Ang Israel ay isa sa mga may pinakamalakas na military sa buong mundo. Goliath ito kung itutulad sa Gaza. Subalit, sila ay nasorpresa sa atake ng Hamas at hindi man lang nila natunugan na may plano pala ang Hamas na gagawin ito sa kanila. Unprecedented daw ito.
Bagama't tinuturing nila ang Hamas na kaaway, ang Israel ay may occupying power sa Gaza.
So paano nangyari ang surprise attack na ito?
Ganito ang nakalap nating balita: Habang nagpapaulan ng rocket missiles ang Hamas sa Israel ay napasok din nila ang "smart fence" o security wall ng Israel na nakatalaga sa kahabaan o paligid ng border ng Israel-Gaza (length 60 kilometers).
Sinasabing mahirap na malusutan ang pader na ito na yari sa bakal na may super talim na barbed wires sa ibabaw nito. Liglig ng cameras, sensors, remote control machine guns at observatory towers na nagmamanman lagi sa kapaligiran.
Kahit ikaw pa ay dumaan sa ilalim ng lupa, o nakagawa ka man ng tunnel, ay tigok ka pa rin — sapagkat mayroon itong radar na makakadetect sa'yo bago mo pa magawa ito.
Bago nakapasok ang Hamas sa security wall ay nagpalipad sila ng commercial quality drones na naghulog ng bomba sa mga observatory towers nito (one for every 2 kilometers). Sabog at patay kaagad ang mga bantay na kaunti pa lang noong pagkakataong yon.
Pagkatapos ay dumating ang mga riding-in-tandem (armado ng baril at granada) na lumusot sa mga gaps ng defense wall. Kasunod nito ay binangga ng isang bulldozer ang isa sa 8 gates ng nasabing iron wall upang bigyang-daan na makapasok ang mga vans na may sakay na machine gunners.
Ito ang pumuksa sa 200 katao na kabilang sa 3,000 na nagsasaya sa isang music event na nagaganap noong pagkakataon na iyon sa Negev Desert.
IRON DOME
Ano naman ang nangyari sa Iron Dome at David's Sling ng Israel na humaharang sa mga ground-to-air missiles bago ito makarating sa mga target nila?
Advertisement
Tila hindi na-detect, sapagkat low-flying at cheap missiles ang ginamit ng Hamas. Kasunod nito ay may mga hang gliders at paragliders (fan-propelled) na naghulog din ng bomba.
Gumana ang Iron Dome, subalit huli na. Para daw silang na-9-11, sabi ng Israeli Defense forces IDF.
ANG RESULTA
Dahil nga naisahan ng Hamas ang Israel, ganoon na lamang ang galit ng Prime Minister ng Israel na si Benjamin Netanyahu, kaya siya ay agad nagdeklara ng giyera laban sa Hamas — sabay nagpalipad ng Israeli fighter jets upang magsagawa ng retaliatory air strikes sa Gaza, lalo na sa mga istruktura na hinihinalang pugad ng Hamas.
Durog ang lahat ng tinarget nito at kumitil ng 1,100 buhay sa Gaza — at mahigit 5,000 naman ang naulat na sugatan.
Sa ngayon na pansamantalang nilubayan ang air strikes ay kumikilos na ang Israeli ground troops upang hanapin at iligtas ang 150 katao na binihag at hinohostage ng Hamas sa Gaza.
Dahil nagpahayag na ng suporta ang U.S. sa Israel, nagpadala na si Pres. Joe Biden ng military assets dito kasama ang mga FBI at CIA personnel, at maging ang mga negotiatiors, para makatulong sa pagpapakawala sa mga bihag ng Hamas. Hinihinalang ang napaulat na mga Amerikanong nawawala ay maaring kabilang sa mga nabihag.
ANO BA'NG ISYU NG HAMAS?
Ano ba ang dahilan kung bakit umatake ng ganito ang Hamas?
Ibig ng Hamas na alisin na ng Israel ang matagal nang blockade na ginagawa nila sa Gaza na sanhi ng paghihirap sa mga taong-bayan nito.
Katunayan, ang Gaza Strip ay tinaguriang "largest open-air prison" ng mga aktibista at ng mga Palestinian. Nakakulong ang mga nakatira dito at kinakailangan pa na humingi ng permiso sa Israel ang sinoman na nais makalabas ng Gaza sa iba't-ibang kadahilan.
Kahit na ang Israel ay umatras na sa Gaza noong 2006, pinaiiral pa rin nila ang kanilang occupying power sa lugar na ito.
Bukod dito, ayaw ng Hamas ang polisiya ng Israel sa pagtrato sa mga Palestino at maging sa mosque nito.
Sa kabila ng limitadong tubig, kuryente, pagkain at iba pang supplies ay bukod tangi naman ang kabataan sa Gaza. Sila ay mga bright at industrious students.
Subalit, pagkatapos nilang maka-graduate ay walang makuhang trabaho sa Gaza at hindi naman sila makalabas.
Ang unemployment rate sa Gaza ang isa sa mga pinakamataas sa buong mundo (46.4%, tradingeconomics.com). Sa ngayon ay hindi lamang gutom at takot ang nararanasan ng mga kabataan kundi depresyon.
Dahil sa kawalan ng kuryente, madilim na sa Gaza, paubos na ang fuel na ginagamit sa mga generators, walang makain ang mga tao at pinapanawan na ng pag-asa ang mga ospital ng pasyente na maysakit at maging nabiktima ng air strikes.
Ito na marahil ang pinakamalupit na paglabag sa karapatang pantao na nagagawa ng isang may kayang bansa sa mga tao.





