May pasalubong ang punong ministro ng Australia na si Anthony Albanese sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas kamakailan. Ito ay ang pagsali ng kaniyang mga tropa sa pagpapatrolya sa pinagtatalunang South China Sea at ang pagpapadali ng pag-iisyu ng work visa para sa mga Pinoy.
Aktibong-aktibo ang Australia, lalo na sa liderato ni Albanese mula nang maluklok ito noong 2022, na hikayatin ang mga bansa sa ating rehiyon para kontrahin ang pambu-bully ng China at pangangamkam nito ng mga teritoryo.
Ang Australia ay miyembro ng United Nations, Association of South East Asian Nations (ASEAN), Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), G-20, at ang AUKUS o ang security pact kasama ang United States of America at United Kingdom.
Dahil sa matibay na pakikipag-alyansa ng Australia sa kanluran, masasabing tama ang tinatahak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatanggol sa West Philippine Sea, na ang isa nga ay ang pagtanggap sa strategic partnership kaakibat ang Australia.
Advertisement
Saklaw ng strategic partnership ang defence at maritime security cooperation maging ang pinatibay pang ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan.
Kaya lang, nangangamba ang mga eksperto sa panganib na maaaring idulot ng mga ganitong ugnayan dahil tinatantiya rin nila ang magiging reaksyon ng China tungkol dito.
Ito ang sabi ni Noel Morada, direktor ng Asia Pacific Centre for the Responsibility to Protect sa University of Queensland.
Over the long term, both Australia and the Philippines should also be aware of the risks posed by their security alliances with the US, which could potentially involve them both in a conflict with China over Taiwan or the South China Sea.
Aniya, mukhang desidido naman ang Australia sa kabila ng mga banta. Katunayan ay sumali ang 1,200 sundalo ng Australia sa joint military exercise dito sa bansa, kasama ang mga sundalong Pinoy at Amerikano kamakailan.
Sana'y makapitan natin ang pagtuturing ng Australia sa Pilipinas bilang 'great friend.' Tiyak na mangangailangan tayo ng tulong nila kapag lalong naghimutok ang China at ipinilit ang kanilang mga kagustuhan.





