QUEZON CITY — Aktibong nakiisa ang Philippine Chamber of Commerce and Industry – Quezon City (PCCI-QC), sa pangunguna ng presidente nitong si Anne Marie Francisco, sa inilunsad na 'Trabaho at Negosyo' job fair at libreng entrepreneurship roadshow na ginanap sa MICE Center sa Quezon City Hall Compound noong Sabado, Hulyo 11.
Bilang pangunahing katuwang ng pribadong sektor, naging kabahagi ang PCCI-QC sa pagtitipon ng nasa 1,000 aplikante at negosyante. Layunin nito na makatulong sa paghahatid ng mga bagong kaalaman, trabaho, at libreng mentorship sa mga "QCitizens" na nagnanais magtayo o magpalago ng sariling negosyo.
Dahil sa suportang ito, nagpaabot ng pasasalamat si Go Negosyo founder Joey Concepcion sa PCCI-QC, Quezon City Mayor Joy Belmonte at sa iba pang kinatawan ng pribadong sektor na nagtaguyod sa programa.
Ang PCCI-QC ay binubuo ng mga entrepreneur at business professionals sa Quezon City. Malaki ang naging papel nito para ang lungsod ay hiranging PCCI Hall of Fame Awardee bilang Most Business-Friendly City in the Philippines. Minsan na rin itong pinarangalan bilang Most Outstanding Local Chamber in the Asia-Pacific Region ng Confederation of Asia-Pacific Commerce and Industry. Para sa kasalukuyang termino, ang isa sa mga miyembro ng Board of Trustees nito ay si NET25 President Caesar Vallejos.
Matapos ang matagumpay na pakikipagtulungan sa Quezon City, aarangkada naman ang Go Negosyo para sa "Go Negosyo MSME Summit 2026" ngayong darating na Sabado, Hulyo 18, sa Music Hall ng SM Mall of Asia.


