Walang personalan, trabaho lang.
Ang pagpapakasipag sa trabaho ay may kaakibat na reward para sa iba: ito ay ang punuin ang kanilang maleta para makabyahe nang makabyahe sa Pilipinas at sa ibang bansa para magbakasyon.
Ang maleta na madalas nating makita sa mga reels ng mga taong may vlog control, o patok na vlogs, ay puno ng mga damit at gamit na resulta ng pagkayod sa trabaho.
Kapag pumunta ka sa airport, hindi lang mga OFW o foreigner ang makikita. Nariyan ang mga taong may male-maletang gamit, bibiyahe at magpapahinga ng ilang linggo matapos magpakasipag sa pagtatrabaho.
Katunayan, base sa pinakahuling ulat ng PSA para sa taong 2025, ang domestic tourism expenditure o ang kabuuang nagastos ng mga lokal na biyahero sa Pilipinas ay umabot sa ₱3.26 trilyon. Umakyat ito ng 3% kumpara sa nakaraang taon.
Ayon sa DOT, umabot sa 134 milyong domestic trips ang naitala sa bansa. Isang napakalaking numbers game kung saan milyon-milyong Pilipino ang nagpasyang i-swipe ang kanilang mga card para sa "self-care" at "deserved ko 'to" moments.
Patuloy din ang paglago ng outbound tourism expenditure (o ang mga lumalabas ng bansa para mag-Japan, Korea, o Europe). Umakyat ito ng 3.5% na pumalo sa ₱357.93 bilyon.
Advertisement
Pero kung titingnan ang international tourist arrivals, medyo kulelat ang bansa kumpara sa mga katabi natin sa ASEAN. Habang ang mga kapitbahay nating tulad ng Vietnam ay humahataw sa mahigit 22 milyong dayuhang turista, ang Pilipinas ay medyo umusad-paurong pa sa mahigit 5.2 hanggang 5.6 milyong dayuhan lang. Bagamat tayo ang host at chair ng ASEAN Tourism Forum ngayong taon, ramdam pa rin ang matinding kompetisyon at ang mga isyu sa traffic at airport congestion na madalas ireklamo ng mga dayuhan tungkol sa ating ating turismo.
Kasalukuyang may bagong liderato ang Department of Tourism (DOT).
Pagkatapos ng termino ni Christina Frasco na itinalaga bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities, umupo kamakailan ang bagong kalihim na si Secretary Dita Angara-Mathay.
Dating Commercial Counselor sa Tokyo ang bagong hepe, kaya asahang iba ang takbo ng bagong pamunuan.
Ang maging bagong focus sana ng DOT sa ilalim ni Sec. Angara-Mathay ay ang pagpasok ng mabibigat na tourism investments at pagpapatibay ng mga imprastraktura.
Direkta nitong isasabay ang turismo sa economic at infrastructure development agenda ng bansa. Kumbaga, seryosong business at paglikha ng trabaho sa mga rehiyon ang pwedeng maging bagong direksyon ng ahensya para mas mapadali ang biyahe ng mga dayuhan at lokal na turista.
Kung mas madali na ang biyahe, darami ang magsisikap na magrelax sa mga destinasyon sa Pilipinas.
Kaya, magtrabaho nang marangal, di gaya ng ibang pulitiko diyan.
Mag-ipon nang tama, at malay mo, sa susunod, kasama ka na sa mga magpapagulong ng maleta sa departure area ng NAIA.
Hindi para takasan ang mga awtoridad, kundi para makapag-unwind.



