Sino nga ba ang mag-aakala?
Dalawang dekada matapos unang umere sa telebisyon ng Pilipinas ang Taiwanese phenomenon na Meteor Garden, magsasama-sama ang libu-libong "Titas" at "Titos of Manila" kasama ang bagong henerasyon ng fans upang saksihan ang makasaysayang pagtatanghal ng iconic group na F4 sa Philippine Arena, ang world's largest indoor arena.
Nang unang ipalabas ang Meteor Garden sa telebisyon, hindi pa isang commodity ang cellphone; ni wala pang klase ng phones na mayroon ngayon, walang on-demand streaming at wala pang Youtube.
Kaya naman sumikat nang husto ang serye, maging ang mga karakter na ginampanan ng mga miyembro ng grupong F4.
Ang dating pangarap lang na muling makita silang magkakasama sa iisang entablado, magkakatotoo ngayong gabi sa Bulacan.
Excited nang marinig ng fans ang tunog ng mga pamilyar na kanta na nagpaiyak at nagpakilig sa mga Pilipino noong kabataan nila.
Bukod sa musika at nostalgia, pinatunayan din ng grupo na buhay na buhay pa rin ang kanilang koneksyon sa mga Pilipino.
Bago ang kanilang pagtatanghal, nag-abot ang F4 ng ₱5 milyong donasyon para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani— isang patunay na ang pagmamahal na itinanim ng mga Pinoy sa kanila noong 2003 ay patuloy nilang ibinabalik hanggang ngayon.
Matapos ang mahigit dalawang dekada, ang mga nakikisabay sa kanta sa harap ng lumang telebisyon ay sila ring pupuno sa Philippine Arena, para sa isang gabing puno ng nostalgia, kilig, iyakan at throwback.

