Nitong Lunes, pinayagan ng Senate impeachment court ang pag-subpoena sa bank at tax records nina Vice President Sara Duterte at ng asawang si Mans Carpio. Dalawampu't isang bangko at ang Bureau of Internal Revenue ang inutusang magsumite ng dokumento sa ika-30 ng Hulyo.
Hindi natin pag-uusapan dito kung tama o mali ang desisyon ng Impeachment Court.
Ang gusto nating tanungin ay: kung mabubuksan ang isang bank account dahil sa isang impeachment case, ano ang ibig sabihin niyan para sa iba, katulad ng ibang karaniwang negosyante, sa maliliit na negosyo, at lalo na sa mga hindi kaalyado o kapartido?
Konting background muna.
Ang Bank Secrecy Law natin, o Republic Act 1405, ay may apat na exception mula pa noong 1955: written consent ng may-ari ng deposito, impeachment, court order sa kaso ng bribery o dereliction of duty ng opisyal, at kung ang pera mismo ang subject matter ng litigation.
Ang impeachment exception, sa madaling salita, ay hindi na bago — nandiyan na iyan noon pa. Ang bago lang ay may nag-invoke sa kauna-unahang pagkakataon laban sa isang sitting Vice President.
Pero dito papasok ang mas malalim na tanong.
Ang impeachment ay hindi basta-basta proseso — kailangan muna ng complaint, kailangan ng one-third ng House para ma-transmit ito sa Senado, at kailangan ng political will para ito ay ituloy.
Sa madaling salita, kung sino ang may kontrol sa Kongreso, sila rin ang may kapangyarihang magpasya kung sino ang mai-impeach — at kung sino ang hindi.
Ngayong bukas na ang pinto papasok sa financial records sa pamamagitan ng impeachment, may mga tanong na hindi basta maiiwasan: sino ang susunod na target? At sino ang hindi kailanman makakaranas nito? Kapag ikaw ba ay sobrang yaman o hindi kaalyado ng nasa kapangyarihan, exempted ka kaya dito?
Unahin natin ang mga ordinaryong negosyante.
Ayon sa aking research, malayo daw ang implikasyon nito sa mga negosyante, pero hindi rin nila ito dapat ipagwalang-bahala.
Ang exception na ginamit dito ay specific sa impeachment proceedings laban sa isang impeachable officer, hindi sa kahit sinong depositor.
Noong ika-20 ng Hulyo, tumanggi rin ang korte sa dalawa sa dalawampu't isang entity na hiningi ng prosecution — ang JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines Corp. — dahil hindi raw makikita sa mga rekord na sina Duterte o Carpio ang shareholders doon.
Advertisement
Ibig sabihin, kahit sa loob mismo ng kasong ito, hindi awtomatikong nabubuksan ang bawat kumpanyang may kaugnayan, kahit paano man i-frame ng prosecution.
Pero ang tanong na naiiwan sa mga negosyante ay ito: kung minsan pinipigilan ng korte ang fishing expedition, gaano ito katibay bilang precedent kapag ibang klase na ng kaso, ibang pulitiko, at ibang panahon na?
Para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises o MSME naman, mas malayo pa raw ang direktang epekto — hindi sila ang tinutukoy dito, at hindi sila puwedeng kasuhan ng impeachment dahil hindi sila mga impeachable officer.
Pero may hindi direktang bagay na nararamdaman din sila: ang bawat balitang ganito ay nagpapaalala sa lahat na ang tinatawag na "confidential" ay may hangganan din pala, at ang hangganang iyon ay depende rin sa desisyon ng mga taong may kapangyarihang pumili kung sino ang huhusgahan.
Para sa maliliit na negosyanteng umaasa sa katatagan at predictability ng sistema para lumago, hindi kasiguraduhan ang pinakamahalaga — kundi pantay-pantay na paggamit ng batas, gaano man kalaki o kaliit ang negosyo mo.
At dito na papasok ang pinakamabigat na tanong: paano ito para sa mga taong hindi kaalyado ng administrasyon — mga kritiko, mga oposisyon, mga negosyanteng kilalang tumutulong sa mga grupong laban sa gobyerno?
Wala pa tayong ebidensya na ginagamit ito bilang armas laban sa kanila, at hindi natin sasabihing nangyayari na ito.
Pero ang alalahanin ay makatuwiran: kapag ang tanging paraan para mabuksan ang isang financial record ay sa pamamagitan ng isang proseso na kontrolado ng mayorya sa Kongreso, ang tanong na "sino ang masusuri" ay nagiging tanong ding "sino ang gustong suriin ng mayorya."
Ang bank secrecy exception mismo ay neutral sa papel — pero ang aplikasyon nito, tulad ng maraming batas sa Pilipinas, ay depende rin sa kung sino ang nakaupo at kung sino ang kanilang target.
Hindi pa natin alam lahat ang epekto ng desisyong ito.
Ang alam lang natin ay ito: ang pintong binuksan ngayong linggo para kay VP Duterte ay hindi mawawala pagkatapos ng kaso.
Mananatili itong bukas, bilang instrument na maaaring gamitin muli — kung sino man ang susunod na mai-impeach, sa ilalim ng kung sinong administrasyon.
Ang tanong na dapat nating bantayan, hindi lamang ngayon kundi sa mga susunod na taon, ay kung ang paggamit ng exception na ito ay pare-pareho ang pamantayan anuman ang kulay mo — o kung ang mga hindi kaalyado lang ang siyang laging mauuna sa listahan.



