Sa loob lang ng isang linggo, gumimbal sa publiko ang dalawang insidente ng pananaksak at isang insidente ng pamamaril sa loob ng mga paaralan. Nangyari 'yan isang buwan lang matapos sabihin ni DILG Secretary Jonvic Remulla na 'the Philippines is safer now.'
Kaya kung mayroong dapat tutukan ngayon si Sec. Remulla, malinaw na ito ay ang pagtiyak sa seguridad ng publiko, lalo na ng mga estudyante, na ang inaasahan naming mga magulang ay ligtas at payapang nakapag-aaral sa eskwela.
Sa ilalim ng Republic Act 6975, dapat siguruhin ng DILG ang public safety at i-promote ang peace and order.
Nakababahala kasi ang makabalita ng ganitong mga pangyayari. Halos kasisimula pa lang ulit ng taong panuruan sa mga pampublikong paaralan. Ang tanong ng marami, bakit nakakapasok ang mga patalim at baril sa loob ng paaralan?
Nitong Hunyo 16, pitong Grade 5 students ang sugatan nang atakihin ng isang Grade 8 student gamit ang patalim sa loob ng isang eskwelahan sa Cavite. Dalawa sa mga biktima ang nagtamo ng malalang pinsala. Dinala naman sa isang mental health facility ang nanaksak para sa evaluation.
Nitong Hunyo 19, sa Cavite pa rin, isang 18-anyos na estudyante ang sinaksak ng kapwa niyang senior high school student.
Advertisement
At nitong Hunyo 22, kumalat sa social media ang video ng pamamaril sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Tacloban, Leyte.
Tatlo ang naunang napaulat na namatay habang lima ang sugatan. Nahuli ang dalawang suspek na mga Grade 9 student.
Sa statement ng PNP, ang naunang dalawang insidente ay itinuturing na isolated cases.
Bagama't isolated, dapat pa ring paigtingin ang seguridad sa lahat ng mga paaralan.
Hindi dapat makalusot sa mga awtoridad ang mga baril at patalim na tinatangkang ipasok sa loob ng paaralan.
Sana ay maagapan ng DILG, katuwang ang PNP at local government units, at ng Department of Education, ang mga insidente ng karahasan sa mga pasilidad na dapat sana ay payapa at ligtas para sa mga mag-aaral.
Ang sunod-sunod na madugong insidente sa mismong loob ng mga eskwelahan ay patunay na hindi sapat ang salita, kailangan ng mas mahigpit, mabilis, at permanenteng solusyon para sa kaligtasan ng mga kabataang Pilipino.
Ang paaralan ay lugar para sa kaalaman, hindi sa patayan. Hustisya ang sigaw ng mga biktima, at proteksyon naman ang hiling ng taumbayan.
Hindi ito dapat matapos sa imbestigasyon o press release na 'okay na ang lahat.'
Dapat protektahan ang mga kabataan na kinabukasan ng bansang ito.



