Talagang nakatatawag-pansin itong mga nangyayaring power outages sa NAIA na nakapagdulot ng napakalaking perwisyo sa libu-libong pasehero at sa communication system operation, kung kaya't kanselado tuloy ang daan-daang airline flights. Isipin n’yo na ang lahat ng ito ay nangyari sa Terminal 3, ang pinakabago at pinakamalaking terminal sa NAIA na nagsisilbing sentro ng international flights.
Maaalala na sa pagpasok pa lamang ng taong ito, Enero 1, ay nabalot sa karimlan ang pangunahing Paliparan sa bansa nang mawala ang kuryente mula ala una ng madaling araw hanggang alas-8 ng umaga.
Sabi ng mga opisyal ay faulty wiring daw. May nanagot ba sa pangyayaring ito? Tila baga wala, at kinalaunan ay nalimutan na rin ang pangyayaring ito.
Noong Mayo 1, Labor Day, naulit na naman ito. Bakit kaya sa dinami-dami ng araw ay natityempo pa na holiday? Sinasadya na ba ito? Totoo kaya na hino-hostage ang gobyerno para makakuha ng pondo ang mga opisyal dito para pambili kuno ng mga equipment gaya ng mga generators? Hindi ba kumikita naman ang airport?
Kasi high-traffic day noong Mayo 1 at libu-libo na namang mga pasahero ang apektado. Mga bata at matatanda halos himatayin sa init at sa mga pagsisiksikan ng mga stranded na pasahero.
Ang masaklap pa nito, sabi ng ilang pasahero ay sila ay nasisigawan pa ng mga gwardya ng "umuwi na kayo!" kapag idinadaing nila ang kanilang paghihirap.
Hindi ito magandang sinyales kung ang pag-uusapan ay pag-unlad ng bansa, lalo't P100 milyon ang inabot na kalugihan ng ating airport sa nasabing insidente. ‘Di na ba natuto o nababahala ang mga mga opisyales natin dito?
Dapat ba na ito ay palipasin na lamang na hindi nalalaman ng publiko ang totoong mga pangyayari? Mayroon bang katiyakan na hindi na mauulit ang ganitong insidente?
Advertisement
Tayo pa man din ay nanghihikayat ng mga turista sa buong mundo na pasyalan ang ating bansa, ngunit paano kung mabalitaan nila na tayo pala—dahil sa naganap na outage—ay pangatlo sa worst airports sa mundo?
Nangangahulugan na hindi naayos ang dapat ayusin. Paano kaya ang pag-iimbestiga ng DOTr at National Intelligence Coordinating Agency kasama na ang Meralco? Natukoy na ba nila ang tunay na dahilan at kung paano ang karampatang solusyon? Aba, kailangan competent at efficient ang mga nangangasiwa rito.
Hindi naman mangyayari ito kung may agap palagi ang pagpapanatili ng mga equipment na ginagamit sa operasyon. Dapat daw may electrical auditing, sabi ng Meralco. Anong nangyari? Wala raw naisagawa noong 2022.
Ganito ang sabi ni Sen. Jinggoy Estrada, ‘’Panawagan sa ating mga concerned agencies: Maawa naman po kayo sa ating mga kababayan. Suklian naman natin ng nararapat na serbisyo ang mga binabayad nilang buwis."
‘Yan ang dapat laging nasa isip ng mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MAIA) ito na naitalaga ng ating Pangulong Marcos upang mapamahalaan ng mabuti ang ating paliparan, na siyang mukha ng ating bansa. Ito rin ang tinatawag na bintana ng ating bansa sa mundo.
Dapat na pinaghahandaan din ang pagsapit ng El Niño na maaring magdulot pa ng lalong matinding problema na higit pa sa mga nangyaring power outages noong Enero 1 at Mayo 1.
Sana ang isasagawang shutdown ng airspace sa Mayo 17 ay maging matagumpay na sagot sa ikaaayos sa mga nasabing suliranin. Mula sa anim na oras ay pinaikli raw ito ng dalawang oras na lamang. Mabuti naman kung ganoon, pero alalahanin nawa nilang mga kinauukulan na hindi masyado ma-inconvinience ang mga biyahero at mga taong involved sa lahat ng operasyon sa NAIA.





