Lumipas na ang Summer Metro Manila Film Festival nang hindi namamalayan ng sambayanang Pilipino.
Halos nilangaw ang mga sinehan. May nakausap pa akong producer at inaming bagsak na bagsak nga ang Summer MMFF.
January ng taong ito nang iaunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtatatag sila, for the first time ever—in partnership with the Cinema Exhibitors Association of the Philippines—ng MMFF sa gitna ng taon. Kumbaga, hindi lang tuwing Disyembre may MMFF gaya na ng nakasanayan ng mga Pinoy, kundi pati sa gitna ng taon.
Pero flop na flop ang inaugural o first edition nito!
Unang-una, nagbukas ang MMFF ng April 8, Sabado, kung saan ang mga Pinoy ay nasa outing dahil sa long holiday. Syempre, ubos na ang pera ng mga tao!
Pangalawa, sino ba ang mae-excite sa line-up? May walong (8) entries ang MMFF, na mga pelikula na hindi naman kaakit-akit sa publiko, maliban na sa mga hardcore cinephiles, na sila lamang ang talagang tutok sa ganitong mga local filmfests!
“Kainis,” sabi pa nga ng friend ko na pumunta sa sinehan para manood sana ng “John Wick 4.”
Nagulantang siya nang makita na puro “Tagalog movies” lang ang nasa sinehan! Hindi na sila nanood, dahil hindi naman daw sila magbabayad ng halos 400 pesos para sa mga ganiyang uri ng pelikula.
May mga nagsasabi na producers na “tangkilikin at suportahan” ang “sariling atin.” Aba, teka muna. Kapag sinabing “suporta,” hindi yan dapat ipinipilit. Bakit, sinusuportahan niyo ba ang mga manonood?
Imagine, ang movie ticket sa panahon ngayon ay naglalaro sa P380 to P480. Regular cinema yan ha? Paano pa ang mga special cinemas tulad ng Director’s Club na lagpas P500?
Advertisement
Hindi biro ang kumita ng pera ngayon. Ang dami pa ring naghihirap na Pinoy na ang nasa isip araw-araw ay paano maitaguyod ang kakainin ng pamilya sa buong araw. Idagdag mo pa ang pamasahe at popcorn, halos P700 to P1,000 na rin ang magagastos ng isang Pinoy sa pananood ng sine ngayon.
Isa pa—ang ganiyang halaga, mga dalawang (2) buwang subscription na yan sa isang movie streaming application, kung saan mas marami ka pang mapapanood at mapagpipilian.
Sa panahon na rin kasi ng internet ngayon, laganap na ang mga digital content, reels, TikTok videos na nagbibigay ng entertainment sa mga netizens.
Mag-Facebook ka lang o mag-TikTok, marami ka nang mapapanood na mga content na pampatanggal-stress, tipid pa! Kaya't ang karamihan sa mga Pinoy ay lalong manghihinayang gumastos sa sinehan para sa Summer MMFF—na umpisa pa lang ay wala na silang idea na may ganoon pala.
Oo, mayroon pa ring mga may extra budget na mahilig manood ng Tagalog movies, pero kadalasan, mga movie bloggers na lang ang mga talagang atat sa Pinoy films ngayon.
Lalo na’t pagdating sa kalidad, natatalo na tayo ng mga foreign films, at lalo na ng mga K-drama na kinahuhumalingan ng maraming Pinoy.
Ang MMFF ng Disyembre, pahirapan na nga maikampanya, tapos nagdagdag pa sila ng filmfest sa loob ng isang taon?
Tingin ko hindi ito masyado napag-aralan. Masyadong padalus-dalos.
Gusto nating lahat umangat ang pelikulang Pilipino, pero sana pag-aralan ng The Film Development Council of the Philippines (FDCP) kung paano mapo-promote at mapauunlad ang Filipino film industry. Hindi Summer MMFF ang sagot diyan—na minadali at hindi naman kasabik-sabik ang entries.





