Sa tuwing may nagtatanong sa akin kung kaya na bang makipagsabayan ng P-Pop sa K-Pop, J-Pop, o maging sa Western pop, iisa lang ang sagot ko: hindi na tayo naghahabol — unti-unti na tayong napapansin.
Sa mga naging panayam ko sa BINI at SB19, iisa ang napansin ko: hindi nila inuuna ang kompetisyon. Mas gusto nilang ipakita kung ano ang kayang gawin ng musikang Pilipino. Walang yabang, pero ramdam mong alam nilang may responsibilidad silang buhatin ang bandila ng P-Pop sa international stage.
At kung datos ang pag-uusapan, hindi na ito puro hype.
Noong 2025, gumawa ng kasaysayan ang SB19 nang maging kauna-unahang Filipino act na nag-debut sa No. 1 ng Billboard World Digital Song Sales Chart sa pamamagitan ng kantang “DAM.” Ang BINI naman ay patuloy na nangingibabaw sa mga streaming platforms at charts sa pamamagitan ng “Pantropiko” at “Salamin, Salamin” — mga kantang naging bahagi ng mainstream pop culture sa Pilipinas at nakaabot pa sa international audience.
Ngayong 2026, lalo pang lumawak ang usapan. Naitanghal ang BINI sa Coachella, habang nakatakda namang gumawa ng kasaysayan ang SB19 bilang unang Filipino act na magtatanghal sa Lollapalooza. Hindi na ito simpleng tagumpay ng dalawang grupo — patunay ito na may interes na ang mundo sa P-Pop.
Pero heto na ang EKSENA…
Advertisement
Kapag may international achievement ang isang P-Pop group, imbes na sabay-sabay tayong magdiwang, mas nauuna pa minsan ang fan wars. Mas mabilis pang mag-trending ang bardagulan kaysa sa mismong tagumpay. Kung minsan, parang mas masaya pa ang iba kapag may pumalpak kaysa kapag may nagtagumpay.
Nakakalungkot isipin, dahil sa Korea, kapag may isang grupong sumikat sa buong mundo, nakikinabang ang buong industriya. Sa atin, minsan parang gusto pa nating hilahin pababa ang isa’t isa.
Isa pa: huwag nating iasa sa BINI at SB19 ang buong P-Pop. Hindi sila dapat maging one-group industry. Kailangan ding mabigyan ng mas malaking exposure ang ALAMAT, BGYO, G22, KAIA, VXON, YGIG, 1621, at marami pang ibang grupo. Habang dalawa lang ang kinikilala ng publiko, hindi pa rin ganap na malakas ang industriya.
Sa totoo lang, ang pinakamalaking kalaban ng P-Pop ngayon ay hindi K-Pop. Hindi rin J-Pop. Ang pinakamalaking kalaban nito ay ang kakulangan ng suporta sa sarili nating industriya. Hangga’t mas interesado tayong magkumpara kaysa magtaguyod ng sarili nating artists, mabagal ang pag-angat.
Kaya handa na ba ang P-Pop na makipagsabayan sa mundo?
Oo. Ang tanong na lang ngayon: handa na rin ba tayong mga Pilipino na suportahan ito nang walang hinihila pababa?
Dahil kung handa ang ating mga artist na dalhin ang bandila ng Pilipinas sa buong mundo, sana naman tayong mga Pilipino ay handa ring maging iisang fandom para sa P-Pop. Di ba?




