Nakakulong na si Rodante Marcoleta.
Mula sa campaign donations, plunder ang kaso. Wala siyang kalayaang magpiyansa.
Bubuti na ba ang kalagayan ng Pilipinas dahil dito? Maglalaho na ba ang baha?
Anong kinalaman niya sa trilyong ninakaw sa kaban ng bayan? Bakit siya ang nakakulong? Bakit malaya ang mga tunay na salot at magnanakaw? Dahil ba nabubuko na sila sa mga pagtatanong ni Marcoleta?
Bawal na bang magtanong kung sino ang tunay na nagnanakaw ng pera sa Pilipinas?!
Napakamalas naman yata nating mga Pilipino. At napakasuwerte ng iilang tao na nakadikit sa poder ng maykapangyarihan. Nakadikit na, may maleta pa!
At ang masakit: ang nasa selda, walang kinalaman sa pagnanakaw sa Pilipinas. Samantalang ang mga tunay na magnanakaw, walang nakakasuhan sa kanila. Malaya sila, at malayang nagpapakasasa sa male-maletang pera. Kaya naman bakasyon grande sila, sa Europa pa.
May utang ka hanggang sa mamatay ka!
₱18 trilyon ang utang ng bansa. ₱160,000 bawat Pilipino. Kasama na ang sanggol na isinilang kanina.
Sasabihin nila: para raw ito sa kaunlaran. Kaunlaran nga ba o flood control? Lumalabas, umuutang tayo sa ibang bansa para nakawin ng mga ganid sa pera at makapal ang mukha para manatili sa kapangyarihan.
At sino ang magbabayad sa utang ng bansa? Walang iba kundi ikaw at ako. Hindi sila!
Mula ito sa ibinabayad mong buwis. Magbabayad pati mga anak mo. Baka pati mga apo mo, at malamang hanggang sa mamatay ka.
Saan napunta ang perang inutang? Hindi sa mahihirap. Hindi sa mga tulay at kalsadang matitibay at gumagana. Hindi sa gamot na kailangan niyo sana. Hindi sa pagpapaunlad sa Pilipinas, kundi sa lalong pagpapayaman ng mga angkan nila na hayok din sa pananatili sa kapangyarihan.
Ang perang dapat sana'y para sa bayan? Ayun, napunta sa party, sa mararangyang sosyalan na hindi ka imbitado, sa magagarbong bahay at buhay na hindi niyo kailanman mararanasan.
Karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay na malaya sa baha — at malaya sa mga magnanakaw!
Ang Ekonomiya at Lumiliit na Sahod
Pamahal na nang pamahal ang mga bilihin. Pagkain, pamasahe, kuryente, gamot.
Sasabihin nila: lumalago ang ekonomiya. Pero 2.8 percent lang ang paglago ngayong taon. Ang inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin? 6.4 percent noong Hunyo.
Mas mabilis tumaas ang presyo kaysa sa sweldo ninyo.
Hindi na kailangan bigyan-diin ito, dahil ikaw mismo ang nakararamdam. Magsabi ka lang ng totoo.
Kaya kahit ipagyabang nila ang GDP, lumiliit ang kaya niyong bilhin.
Kung may trabaho ka, suwerte mo. Pero kulang ang oras, kulang ang suweldo. Isa sa sampung manggagawa ang underemployed.
Sa report nila, "employed" kayo. Sa totoong buhay, naghahanap pa rin kayo ng pangalawang trabaho para lang may makain bukas.
Isa sa apat na pamilyang Pilipino, gutom. Hindi sila nagdi-diyeta. Gutom dahil walang perang pambili ng makakain.
Hindi ito imahinasyon. Hindi ito propaganda. Maraming gutom.
Mabuti sana kung mag-imagine o managinip kang busog ka, puwede na. Kaso paggising mo, kumakalam parin ang sikmura mo.
At ang masakit, paggising mo, bangungot pa rin ang kalagayan mo.
Isang Sakit Lang, Bangkarote Ka Na
Sa bawat ₱100 na ginagastos sa kalusugan, ₱40 ang galing sa sariling bulsa.
Kaya karamihan, hindi na nagtatanong kung gagaling ba sila. Ang tanong nila: kaya ba naming magpaospital nang hindi ibinebenta ang lupa? Isasangla ang bahay? Ilulubog sa utang ang mga anak?
Ang iba, hinahayaan na lang ang pagkakasakit hanggang mamatay sila. Wala silang pag-asa.
Tinatawag nating universal healthcare. Pero para sa marami, ang "universal" ay katumbas lang ng takot na magkasakit. Universal maleta, meron! Pero sila-sila lang na nasa poder ng kapangyarihan ang meron.
Bilyun-bilyong Piso, Tinangay ng Baha
Daan-daang bilyong piso ang nawala sa flood-control scandal. Libo-libong proyekto — wala, kulang, o sira.
May nagsalita. May itinuro. Wala pa ring nangyayari.
Nasaan na ang pera?
Sino ang nagdisenyo ng buong sistema? Sino ang nag-utos? Sino talaga ang nakinabang?
Maraming press conference. Puro salita. Walang conviction sa mga tunay na may sala. Walang pagbabalik ng pera.
Hangga't walang nahahatulan, walang hustisya.
Malamang ay napakamahal ng bayad sa mga foreign consultants ng mga nasa poder upang guluhin ang totoong isyu, lituhin ang mga tao, at para umayon sa kanilang naratibo.
Bumaba sa Papel, Pero Ligtas Ba Talaga Tayo?
Bumaba raw ang krimen. Pero manood ka sa TV, mag-scroll ka sa social media—araw-araw ang patayan, nakawan, barilan, pati sa loob ng eskuwelahan. Talamak ang bentahan ng droga!
Ilan kaya ang hindi na narereport dahil wala nang tiwala sa maykapangyarihan?
Hindi sapat na bumaba ang numero. Kailangang maramdaman ng Pilipino na ligtas siya sa lansangan at makakauwi—kahit wala siyang pera o koneksiyon.
Uniteam or Team Maleta?!
Literal na ngang magkakahiwalay ang ating mga isla, lalo pa tayong hindi nagkakaisa.
Marcos laban Duterte. Dilawan laban DDS. Pamilya laban pamilya.
Habang nag-aaway tayo, tahimik na tumatakbo ang political dynasty, ang kickback, at ang korapsiyon.
Kapaki-pakinabang ito sa kanila. Habang galit kayo sa isa't isa, ligtas sila. Habang nag-aaway kayo, wala silang pakialam. Dahil nawawala sa kanila ang atensiyon.
Karapatan ng mga Pilipino na magsalita, makiramdam, at magmanman. Dahil kung hindi ito gagawin, lalo tayong nananakawan, lalo tayong maghihirap. Lalo tayong mawawalan ng hustisya at karapatan.
Tungkol naman sa impeachment, sasabihin nila: tungkol ito sa accountability.
Pero kapag ang layunin ay tiyaking mahatulan bago pa man mabasa ang ebidensiya—para lang matanggal si Sara Duterte sa eleksiyon—hindi na iyon hustisya. Panlilinlang na.
Hindi maaaring tawaging hustisya ang desisyong ginawa bago pa man nagsimula ang laban.
Advertisement
Lalo na kung ang layunin nito ay para tuluyang tanggalin ang karibal sa eleksiyon para manatili sa kapangyarihan, manalo ang manok ng administrasyon o, ang nakakatakot, mapahaba pa ang termino ng pangulo.
Mababa ang tiwala ng publiko sa mga namumuno. Nakapagtataka ba?
Mababa dahil sobra na ang mga pangakong hindi natupad. Sobra na ang eskandalong tinatabunan ng mga bagong eskandalo.
Bagong SONA na nga ito—may pagbabago ba sa buhay mo???
Paano mo nga naman pagtitiwalaan ang nagtutulak sa iyo sa bangin? Harap-harapan kang niloloko at ginagawa kang tanga. Iba ang sinasabi nila sa ginagawa nila.
Ang Tunay na Kalagayan at Sukatan ng SONA
Ang mahirap, lalong naghihirap. Ang mayaman, lalong nagtatago ng yaman na male-maleta. Bumibili ng mga bahay at maaaring nagtatayo ng bagong vault upang magkasya ang male-maletang pera.
May ikinulong, pero walang kinalaman sa pagnanakaw. Malaya ang tunay na may sala.
May paaralan, pero milyon-milyong batang hindi marunong bumasa.
Kung kalaban ka, mabilis ang kaso mo. Kung kakampi ka, babagal o mawawala ang kaso at problema mo.
Hindi rin nasusukat ang SONA sa bilang ng palakpakan sa Kongreso.
Nasusukat ito sa laman ng hapag-kainan. Sa sahod na inuuwi. Sa gamot na kaya mong bilhin. Sa batang tunay na natututo. Sa bahay na hindi binabaha. Sa batas na hindi kumikiling sa kaalyado lamang.
Ang Pilipino, matalino. Nagugutom lang. Lumalangoy lang sa baha. Napagnanakawan lang.
At nagagalit. Kasi hindi ka na nga natutulungan, gina-gaslight ka pa at ginagawa kang bobo.
Ang kahirapan ay babaha pa sa bagong henerasyon. Kaya ang galit na ito ay maipapamana sa mga susunod pang henerasyon.
Magigising ka na rin ba upang hindi na iboto ang kanilang angkan at apelyido?
Mula sa kanila, sobrang kamalasan na at paghihirap ang napapala ng mga Pilipino.
Sources:
- Sandiganbayan issues arrest order for Marcoleta over plunder rap — Inquirer
- Arrest warrant out for Rodante Marcoleta, 3 others over P75-M plunder case — GMA News
- Marcoleta to be detained at Payatas jail over plunder case — Inquirer
- Marcoleta pleads not guilty; plunder case moves to pretrial — Panay News
- PH national debt hits P18.16 trillion as of February 2026 — Tribune
- Philippine debt reaches P18.16 trillion — Asian Journal
- PH debt swells to record P18.49 trillion in March 2026 — GMA News
- National debt of the Philippines — Wikipedia (summary/tracking page)
- GDP Grows by 2.8 Percent in the First Quarter of 2026 — Philippine Statistics Authority (official)
- Summary Inflation Report, Consumer Price Index: June 2026 — Philippine Statistics Authority (official)
- Inflation eases to 6.4% in June 2026 as fuel, food prices cool — Rappler
- Inflation slows to 6.4% in June 2026 — Philstar
- Highlights of the March 2026 Labor Force Survey — PSA (official)
- Highlights of the February 2026 Labor Force Survey — PSA (official)
- Employment in the Philippines rose to 48.89mn in April 2026 — Human Resources Online (cites April underemployment)
- SOCIAL WEATHER REPORT: Hunger rises from 20.1% in November 2025 to 23.2% in March 2026 — Social Weather Stations (official)
- SWS: Hunger among Filipino families rises to 23.2% in March 2026 — Inquirer
- SWS Q1: 23.2% of Filipino families experienced involuntary hunger — GMA News
- Philippines: OOP payment share of current health expenditure — Statista (cites PSA)
- 30-year study: Households, not gov't, shoulder bulk of health spending — Inquirer
- Out-of-pocket expenditure (% of current health expenditure) — Philippines — World Bank Data
- Flood control projects scandal in the Philippines — Wikipedia (overview, continuously updated)
- The disaster-prone Philippines invested billions in flood control. Then officials looted the funds — CNN
- TIMELINE: 2025 Flood Control Projects Corruption Scandal — Bulatlat
- The corruption of Philippine flood control projects — GMA News (special report)
- Accountability washed away in Philippine flood control corruption — East Asia Forum





